Ito ang buod na binuo ng AI, na maaaring may mga error. Para sa konteksto, palaging sumangguni sa buong artikulo.
Ang pambansang wika natin ay tahasang ginagamit sa chat group, maingay…. Pero masyado nang naging toxic ang bangayan, pakialaman, at pagpapakalat ng maling impormasyon o balita.
Dahil Agosto at Buwan ng Wikang Pambansa, magandang pagnilayan ng mga nagdiriwang nito kung paano ginagamit ang wika ng maraming kababayan natin. Hindi ang makunat na wikang sinasambit-sambit tuwing opening o closing program ng Buwan ng Wika sa bawat paaralan; ginagamit ng mga guro ng palatuntunang bihira mong makaringgang mag-Filipino kung hindi nga lang required dahil iyon ang sinasabi sa script.
Hindi tuwing magkakabuhol-buhol ang dila ng opisyal ng paaralan o ahensiya ng gobyerno na napilitang magpambungad na pananalita o opening remarks dahil iyon ang atas ng Proklamasyon Blg. 1041 s 1997. Hindi ang talumpati o lecture ng susing tagapagsalita o keynote speaker na karaniwang galing din sa paaralan o sa unibersidad na may mas mabigat na patakaran sa paggamit ng wika o sa ahensiya ng pamahalaang may kinalaman sa pagpapalaganap at paglinang ng wikang pambansa kahit sila mismo ay nagbabangayan. Hindi sa mga ito.
Hindi sa mga pulidong wikang ito na isinalang sa maraming pagrerepaso at pamamatnugot o editing ng puno ng kagawaran ng Filipino sa alinmang paaralan. Hindi ito. Hindi ang wikang Filipino na isinali sa bigkasan, tulaan, o pagsulat ng sanaysay na hindi naman mababasa ng iba maliban sa dalawa o tatlong hurado. Hindi dito.
Nasa labas ng estruktura ng edukasyon at pamahalaan ang wikang pambansa. Pagnilayan ang wikang pang-araw-araw na mababasa, mapakikinggan, sa karaniwang lugar: palengke, tindahan, pampasaherong sasakyan, at sa patutsadahan sa social media.
Sa paaralan, lalo tuwing ipinagdiriwang sa loob ng isang araw ang Buwan ng Wikang Pambansa (alangan namang isang buwan din ang pagdiriwang, magastos sa barong tagalog at sa mga damit na filipiniana iyon), bihirang tao ang may mahalagang bahagi sa palatuntunan. Iilan lang ang mapakikinggan. O sa klase, lalo sa subject na Filipino, na bihira din ang gustong mag-recite sa masungit na guro dahil dapat tama ang bigkas at dapat buo ang simuno at panaguri ng pangungusap. Hindi lalo iyong wikang ginagamit sa pagtatalumpati na — meron pa bang ibang paksa? — tungkol sa wika at kung gaano ito kahalaga sa mga salitang nasasabi lang kapag Agosto gaya ng “intelektuwalisasyon” at sabi nga ng tema ngayon, “mapagpalaya.” Ang wika ng ating bansang, kahit na taliwas sa masinsing patakaran ng akademya, ay ginagamit ng nakararaming laging may masasabi.
Dahil sa kahit anong usapin, pangit man o mabuti, lagi tayong may masasabi. Sino ba ang magsasabi kung may saysay o wala ang isang opinyong sinalita o tinipa sa sariling wika? O kung ang karamihan sa ipinahayag ay bunga ng maling interpretasyon? O galing sa pekeng impormasyon? Ang mahalaga nariyan ang platform ng pagpapahayag. Kaya nga napakaingay natin. Hindi magkamayaw. Laging abala katitingin sa buhay ng iba, walang pakundangan kung ipahayag ang iniisip at nadarama ng isa’t isa, sa isa’t isa. Hindi na baleng hindi mapansin ang mas mahalagang usapin.
Ang pambansang wika natin ay tahasang ginagamit sa chat group, maingay, tuloy-tuloy ang hiraman ng mga termino’t katawagan buhat sa ibang bansa’t kultura — tulad ng dapat asahan sa wikang buhay na buhay. Wikang mapagpalaya sa nais nating sabihin at ipahayag. Basta lang mag-iingat dahil isang screen grab o download lang ang katapat para maisiwalat ang sinabi at isinulat mo. Iyang mapagpalayang wika mo ang gigipit din sa iyo.
May ilang kaibigan akong tinalikuran na ang social media. Masyado na raw toxic para sa kanila ang bangayan, pakialaman, at pagpapakalat ng maling impormasyon o balita. Maging ang dapat nating ipagdiwang na atletang nagdala ng karangalan sa bansa, sa platform unang umingay ang usaping dapat sana ay pampamilya lang. Pero walang pakialam at respeto ang marami, tila laging mahalaga ang masasabi.
Ano ba kung may dalang medalya’t dangal, ang mahalaga, may parang teleseryeng inaabangan. At itong uri ng pambansang wikang malabong manalo sa sanaysay at tula sa paaralan ang ginamit ng sambayanan para maglabas ng opinyon at kuro-kuro kahit walang nagtatanong. Kaya naman sa panahon ngayon, dapat na yata nating mas pahalagahan ang magsasabi ng hindi ko alam o wala akong pakialam. O silang sadyang mananahimik na lang kahit na bihasa sa wikang pambansa dahil alam ang kahulugan ng maging kahiya-hiya. — Rappler.com
Associate professor of seminar in new media, writing for new media, and creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters and the Graduate School of the University of Santo Tomas is Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya ang tagapangulo ng UST Department of Creative Writing. Siya ay tumatanggap ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo para sa Kilalang Alumni sa Larangan ng Edukasyon ng Guro.