Noong Oktubre 10, isang 28 taong gulang na tricycle driver na nagngangalang Mario Rupillo ang nagtapat sa kaibigan niya na sinusundan siya ng mga pulis. Makalipas ang ilang oras, natagpuan siya sa morge ng isang ospital. Ayon sa pulisya, nakipaglaban siya sa isang engkuwentro.
“Kinuha na namin yung sinabi talaga ng pulis, dahil yun na lang din para pagtakpan yung ginawa nila,” sabi ng kapatid ni Mario na si Mark Anthony. “Halos lahat naman gano’n eh, ganyan ang ginagawa.”
Ang mga nakabilanggo sa Delpan PCP ang nagtapat sa pamilya ng Rupillo na nakita nila si Mario sa loob ng presinto. Nakaposas si Mario nang dalhin siya doon ng taong kilala sa pangalang Alvarez, sabi nila.
“Pulis siya,” sabi ng ina ni Mario na si
Loreta
. “Lagi siyang nakasibilyan.”
Ikinuwento ng mga bilanggo ang pambubugbog kay Mario. Nagkaroon ng interogasyon, sabi nila, pinagpapalo ng baril si Mario, humihiyaw si Mario, ayaw magsalita ni Mario.
Nang huli nilang makita si Mario, may nakasuklob na ng sako ang ulo nito. Hinahatak siyang palabas ni Alvarez, sabi nila, bago isinalya si Mario sa likuran ng naghihintay na tricyle. Ayon sa kanila, hirap nang maglakad si Mario.
Isang babaeng nakapiit din ang nasa loob ng kuwarto habang pinahihirapan si Mario.
Ang tawag nila ay palit-ulo – ang kalakarang garantiyahan ang kaligtasan ng isang suspek kapalit ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa iba. Ayon sa pamilya Rupillo, sa kaso ng babaeng naaresto bago mapatay si Mario, si Mario ang naging kapalit.
Pinalaya ang babae pagkatapos, sabi nila. Tumanggi ang pamilyang pangalanan siya. Ayon sa kanila, ipinagmalaki ng babae sa harap ng maraming tao na si Alvarez ang nasa likod ng pagpatay. Protektado raw siya ni Alvarez.
Ayon sa spot report, nakita ng anti-criminality patrol si Rupillo na nagmamaneho ng pulang SYM na motorsiklo nang walang suot na helmet sa kahabaan ng
Gate 14 Delbros
ng Parola compound. Pinara si Mario, pero sa halip na huminto, bumunot ito ng baril at pasugod na pinutukan ang mga pulis. Wala siyang natamaan. Isang baguhang pulis, si Marcelino Pedrozo III, ang “walang nagawa kundi ang gumanti ng putok” na tumama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ni Rupillo hanggang bumagsak siya kasama ng kanyang motorsiklo, “humahabol ng hininga.”
“…sa halip na huminto, inilabas ni (Rupillo) ang kanyang baril at nagpaputok.”
– Ulat sa Homicide Spot, 11 Oktubre 2016
Kung paniniwalaan ang salaysay ng pulisya, nagpatakbo ng motorsiklo si Mario Rupillo lampas alas-11 ng gabi nang makatagpo niya ang mga tauhan ng Philippine National Police noong Oktubre 11, 2016. Lumitaw siya, isang lalaking walang helmet, sakay ng isang pulang motorsiklo. Pinahinto siya ng nagpapatrol. Humagibis ng takbo si Mario, habang bumubunot ng kanyang baril. Tumutok, bumaril, hindi nakatama. Bumunot ng baril and isang pulis, nagpaputok, isa, dalawa, pito. Tumama ang mga bala, walang palya ang puntirya: ang dalawa sa kaliwa at kanang balikat, ang apat sa dibdib, at ang huli sa gitna ng bibig.
Nakita ni Mark Anthony ang katawan ng kapatid na si Mario. Sabi niya mistulang nabugbog. May sugat ang parehong buto ng tuhod. Namamaga ang parehong braso. Mistulang nabali ang magkabilang balikat.
“Alam mo ’yung manok na binalian ng buto na lupaypay ’yung pakpak?” tanong ni Mark Anthony. “Ganon kalala.”
Ilang taon ang tanda ni Mark Anthony Rupillo kay Mario. Isang matadero, may kapayatan siya pero maskulado ang mga bisig. Sinasakop ng tato ang mga braso niya, gumagapang pataas sa gilid ng kanyang leeg at pababa hanggang hita. Sa kanyang mahinahong boses, ikinuwento niya ang paniniwala niyang brutal na pinatay ang kanyang kapatid. Nakatuon ang kanyang mga mata sa telenobelang tumatakbo sa lumang telebisyon.
Nakaukit ang pangalan ni Mario Rupillo sa marmol na sisidlan ng kanyang abo. Nakapatong ito sa tuktok na altar.
Ayon kay Mark Anthony, paminsan-minsang gumamit ng droga si Mario. Sa mga pagkakataong may isang darating na may pera, papayag siyang maghatid. Babayaran si Mario sa kaunting halaga kapag naideliber na.
Ayon sa sertipiko ng kamatayan ni Mario, na nilagdaan ng opisyal na medico-legal ng MPD Crime Laboratory, “ilang tama ng bala sa ulo, katawan, at mga braso” ang dahilan ng pagkamatay nito. Sabi ni
SPO4 Glenzor Vallejo
, ang imbestigador na namahala, hindi niya maalala ang tiyak na bilang ng balang pumatay kay Mario Rupillo. Dagdag niya, wala namang kakaiba sa bilang ng sugat mula sa mga tama ng bala.
“Habang patakas (si Mario Rupillo) nagpapaputok siya doon sa mga pulis,” sabi ni Vallejo. “Ngayon ’yung pulis naman siyempre gumanti. Hindi na iisipin ng pulis kung tatamaan (si Mario) nang marami. Basta nagpalitan ng putok.”
Ayon kay Vallejo, dumating siya sa pinangyarihan ng krimen matapos madala ang bangkay sa ospital. Ang mga saksi niya ay nalimitahan sa mga pulis ng Delpan PCP, at wala siyang nakausap na iba pa na sumalungat sa bersyon ng mga pulis ukol sa pangyayari. Hindi siya naniniwalang binugbog si Mario habang hawak ng mga pulis, o na naging biktima siya ng palit-ulo. Pinanindigan niya ang spot report na isinulat niya, pero sinabing patuloy pa rin ang imbestigasyon. Idinagdag ni Vallejo na hindi sumalungat ang pamilyang Rupillo sa kuwento ng pulis matapos niya silang makausap.
Kasama sa nakuhang ebidensya ang pulang SYM Bonus 110 na motorsiklo na may plakang “For Registration” at isang .38 kalibreng baril na walang serial number.
Sabi ng pamilya, walang kagalos-galos ang motorsiklo pagbalik. Naipakita man kay Mark Anthony ang baril, nangibabaw ang pagkamuhi niya sa mga pulis. Hindi lang dahil itinanim lamang ito, sabi niya. Kalokohan daw ang inilagay na baril. Hindi man kaya ng magkakapatid na Rupillo na magsibili ng mga baril, may alam naman daw sila sa armas.
“Alam namin ’yung dapat mong gamitin sa mga dapat mong itapon,” sabi ni Mark Anthony. “’Yung itsura ng baril, ’pag hinawakan mo, matetetano ka eh.”
Sinabi niya na hindi tanga si Mario.
Ang huling ebidensya ay isang itim na bag na naglalaman ng 3 plastic sachets ng pinaniniwalaang shabu, 5 pirasong P20, at isang P50, at isang pulang lighter.
“Lahat, hindi sa kapatid ko ’yun, kasi alam namin,” sabi niya. “Hindi sa kaniya ’yun.”