Ito ang buod na binuo ng AI, na maaaring may mga error. Para sa konteksto, palaging sumangguni sa buong artikulo.
Isa sa mga low pressure area, na matatagpuan sa loob ng Philippine Area of Responsibility, ay may mataas na pagkakataon na maging tropical cyclone simula Huwebes ng gabi, Setyembre 26.
MANILA, Philippines – Isang low pressure area sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang naging tropical depression alas-8 ng umaga noong Huwebes, Setyembre 26, habang dalawa pang LPA ang binabantayan din ng weather bureau.
Hanggang alas-8 ng gabi noong Huwebes, ang tropical depression ay nasa layong 2,610 kilometro silangan ng Central Luzon, kumikilos pahilaga hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras (km/h).
Mayroon itong maximum sustained winds na 55 km/h at pagbugsong aabot sa 70 km/h.
Nauna nang sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes ng hapon na maliit lamang ang tsansa ng tropical depression na makapasok sa PAR.
Samantala, ang isa sa dalawang LPA na binabantayan ng PAGASA ay nasa loob ng PAR, habang ang isa naman ay nasa labas.
Ang LPA sa loob ng PAR ay nasa 560 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes, alas-8 ng gabi nitong Huwebes.
Sa Facebook post pasado alas-10 ng gabi, sinabi ng weather bureau na ang LPA na ito ay malaki na ang tsansa na maging tropical cyclone.
Kung ito ay magiging isang tropical cyclone, ito ang magiging ika-10 tropical cyclone ng Pilipinas para sa 2024 at bibigyan ng lokal na pangalang Julian. Ito rin ang magiging ikaanim na tropical cyclone para sa Setyembre lamang.
Ang LPA na ito ay nagdadala rin ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa pinakahilagang lalawigan ng Batanes.
SA RAPPLER DIN
Para naman sa LPA sa labas ng PAR, huling namataan ito sa layong 1,710 kilometro silangan ng Central Luzon, kaninang alas-8 ng gabi.
Sa kasalukuyan ay maliit lamang ang tsansa nitong maging tropical cyclone, at maaaring mawala sa mga susunod na araw, ayon sa PAGASA.
Ang buong bansa, maliban sa Batanes na apektado ng LPA sa loob ng PAR, ay nakararanas ng magandang panahon. Maaaring magkaroon lamang ng ilang mga pag-ulan o pagkidlat. – Rappler.com