Magdaraos ng konsiyerto si Aurora sa New Frontier Theater sa Quezon City sa Enero 31, 2025 — at ito ang una niyang gagawin sa Pilipinas.
Ginawa ng Norwegian singer ang anunsyo sa social media noong Martes.
“HELLO PEOPLE. I AM FINALLY COMING BACK! And this time we’ll swoop through Manila, Seoul, Kuala Lumpur, Hong Kong AND Singapore! And I am beyond pleased. And excited like a small baby,” she wrote.
Ang tour na “What Happened to the Earth? Part 4” ay bilang suporta sa kanyang ikalimang studio album, na inilabas noong Hunyo 2024.
Ayon sa concert promoter na Insignia Presents, magkakaroon ng presale para sa Aurora’s Manila concert sa Oktubre 28, 12 pm, habang ang general ticket sale ay sa Oktubre 30, 12 pm sa pamamagitan ng TicketNet online, box office, at outlets nationwide.
Ang mga tiket ay mula P2,200 para sa Balcony 2 hanggang P4,300 para sa VVIP Standing.
Kilala si Aurora sa kanyang kakaibang boses at istilo ng musikang folk-electro pop, na may mga kantang tulad ng “Runaway,” “Cure for Me,” “Running with the Wolves,” “The Seed,” at higit pa.
Ang “Into the Unknown,” ang kantang ni-record niya kasama si Idina Menzel at binubuo nina Kristen Anderson-Lopez at Robert Lopez para sa “Frozen 2,” ay nominado sa 2019 Academy Awards para sa Best Original Song at sa 2021 Grammy Awards para sa Best Song Written for Visual Media
Ang iba pang mga album ni Aurora ay “All My Demons Greeting Me as a Friend,” “Infections of a Different Kind – Step 1,” “A Different Kind of Human – Step 2,” at “The Gods We Can Touch.”
— CDC, GMA Integrated News