MANILA — Nagmartsa sa Senado ang mga organisasyon ng simbahan at civil society noong Miyerkules, Mayo 22 para ulitin ang kanilang matinding pagtutol laban sa pagsisikap na amyendahan ang Konstitusyon ng Pilipinas.
Tinaguriang People’s March at Prayer Against Charter Change, iginiit ng mga nagprotesta na dapat unahin ni Ferdinand Marcos Jr. ang mga kagyat na isyu na kinakaharap ng mamamayang Pilipino.
“Kami ay nagkakaisa sa pagtutol sa anumang pag-amyenda sa Konstitusyon na hindi inuuna ang kapakanan ng sambayanang Pilipino. Sa halip na ituloy ang Charter Change, dapat tumuon si Pangulong Marcos Jr. at ang ating mga opisyal ng gobyerno sa pagtugon sa mga mabibigat na isyu ng ating bansa. Resolbahin ang talamak na kahirapan, ang lumalalang hindi pagkakapantay-pantay, at ang kawalan ng access sa mga pangunahing serbisyo,” sabi ng Iglesia Filipina Independiente sa isang pahayag.
Hinamon ng May One Movement ang bagong Senate President Francis Escudero na sundin ang panawagan ng taumbayan at ibasura ang Resolution of Both Houses No. 7.
“Sa halip na umasa sa dayuhang direktang pamumuhunan mula sa Charter Change, dapat tugunan ng gobyerno ang matagal nang problema sa ekonomiya ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagsuporta at pagpapaunlad ng mga lokal at pambansang industriya upang magbigay ng kalidad at regular na trabaho para sa mga Pilipino,” sabi ng KMU sa isang pahayag.
Mga larawan ng Kodao Productions at Altermidya