Nakumpiska ng mga awtoridad ang 2.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P17 milyon mula sa isang suspek na naaresto sa isang buy-bust operation sa Mandaue City, Cebu, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Biyernes.
Sa isang pahayag, sinabi ng PDEA na ang 22-anyos na babae ay naaresto sa joint operation ng Regional Special Enforcement Team nito kasama ang Mandaue City Police intelligence at drug enforcement units sa Barangay Tipolo noong Miyerkules ng gabi.
Nakuha rin sa suspek ang buy-bust money, P300 cash, at isang cellular phone.
Ayon sa PDEA, ipinadala ang mga ebidensya sa Philippine National Police 7 Regional Forensic Unit para sa chemical analysis at tamang disposisyon.
Nakatakdang sampahan ng kaso para sa possession at sale ng illegal drugs sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang naarestong suspek, dagdag ng ahensya. — Joviland Rita/RSJ, GMA Integrated News