(Paumanhin sa isang tanyag na banda na may kaparehong linya mula sa isang tanyag din nilang kanta)
Sinusukat sa level of difficulty ang panliligaw o courtship sa Ingles. Mas mahirap ang gagawin, gaya ng thesis, mas dapat hangaan; mas dapat ibigin dahil mas maraming nasakripisyo para patunayan ang pagmamahal.
Pero hindi na lamang tungkol sa thesis ang kayang gawin ng isang nag-aalok ng wagas na pagmamahal. Sabi nga ng isang kakilala ko, “Mahal ko siya kahit taga-Novaliches pa siya at taga-Cavite ako.” The point? Tila LDR o long distance relationship ang pagitan ng Cavite at Novaliches. Pinaglayo hindi lamang ng distansiya ang lugar. Pinaglayo, lalo na, ng kasalukuyang traffic. At wagas na pagmamahal lang ang uubrang magpawalang-bisa sa distansiyang ito.
Sa pelikula noon, kailangang magsibak ng kahoy na panggatong at umigib ng tubig ang nanliligaw. Kailangang mag-araro at manilbihan. Kailangang pumunta sa bahay ng nililigawan. Kailangang manamit nang maayos at magpakilala sa magulang. Kailangang ipahayag nang lakas-loob ang malinis na intensiyon. Nakagisnan na natin ang pag-aalay ng bulaklak at tsokolate; manlibre sa mamahaling restawran kahit na magdildil ng iodized salt ang nanliligaw kinabukasan para patunayang wagas ang pagmamahal.
May estudyante ako noong 2015 na nagkuwento sa akin ng pinagdadaanan; kailangan daw niyang sunduin sa Quezon City ang nililigawan tuwing madaling araw, at ihatid pagkagaling sa eskuwela kinagabihan, araw-araw, kahit pa taga-Las Piñas ang nanliligaw.
May kakilala naman akong hindi kumakain ng gulay, pero nang ayain ng magulang ng nililigawan na iulam ang nilutong gulay, kahit nakangiwi, napasabi ng “masarap!” para lamang kalugdan ng magulang ng nililigawan.
Kung hindi man ikaw, malamang, dumanas din ng ganitong sakripisyo sa panliligaw ang iyong magulang.
Noong nagkakaedad ako sa Valenzuela, uso rin sa amin ang pagsundo sa paaralan ng nililigawan (as if hindi makakauwi kung walang sundo). Hindi naman ito mahirap kung ikukumpara ngayon, maliban sa walang smartphone noon. Walang chat o private message kung OTW na o hindi pa. Walang Google Map o Waze para maituro ang tamang daan pauwi. Walang ride-hailing o food delivery app.
Dahil, hindi ba, kung paniniwalaan ang kanta, gagawin ang lahat pati ang thesis. Ganyan ang panliligaw. Sabi nga ng isang laos na kasabihan sa Ingles, put your best foot forward.
Hindi natatangi sa tao ang magpahanga o magparamdam ng kagila-gilalas sa isang gustong makapareha. Ayon nga sa isang journal article, “Courtship is the most common social behavior in the animal kingdom. Courtship rituals differ greatly among species but share the same goals. Human courtship, though largely governed by cultural context, nonetheless follows certain universal rituals.”
Hindi ko na gustong sabihing ang courtship o panliligaw ng langaw ang binanggit sa kabuuan ng artikulong inihambing sa kakayahan ng taong magpahanga para sa gustong maging kapareha. May courtship sa mga ibon, sa isda, sa reptiles, at maiingay ang naglalampungang pusa.
Ginagamit namin noon ang terminong “binabakuran” na nangahulugan din ng panliligaw. Galing ito sa salitang “bakod.” Ibig sabihin, gumagawa ng imaginary bakod ang isang nanliligaw upang hindi malapitan ng ibang may gusto ring manligaw lalo kung nasa isang pampublikong lugar. Kaya nga siguro sinusundo at inihahatid. Kaya inaayang kumain, lumabas, manood ng sine na hangga’t maaari, sila lang ang magkasama. Ang “pagbakod” dapat ang pinakamalapit na salin natin sa “courtship” sa Ingles. Pero mas nasanay tayo sa panliligaw.
Maikakategorya sa dalawa ang kahulugan ng salitang “ligaw” sa Diskyunaryo-Tesauro ni Jose Villa Panganiban. Heto ang una:
“Ligaw, pagligaw, panliligaw n. wooing, courtship. Syn. pangingibig, paniningaláng-pugad; cf. panunuyò.” Sa Bikol, tinatawag daw itong “pag-ilusyon.” Sa Kapampangan, “lolo, pamaglolo.”
Sa Hiligaynon, ayon pa rin sa Diksyunaryo, “pagpangaluyág.” Maraming kahulugan sa iba’t ibang wika at lugar ang panliligaw kasama ang pandiwang lumigaw at manligaw. Ginagamit din ang “ligaw-ligawan” na playing at wooing ang kahulugan sa Ingles. May tinatawag din tayong ligáw-manók na ang ibig sabihin wooing by show-offs o pagyayabang. Samantala, ang “ligaw-tingin” naman ay “wooing by means of meaningful stare.”
Ayon pa rin sa Diksyunaryo, variety ng salitang “ligaw” ang mga katagang
Madaling ligawan. Easy to woo.
Manliligáw (var. manliligaw), n. wooer.
Mahiyaing manliligáw. Shy wooer.
Mapusok na manliligáw. Aggressive wooer.
Paligaw, v. upang payagan ang sarili na manligaw.
Paligawan, v. to get someone to woo (x).
Kpm. ligaw: search (cf. Tg. paghahanáp).
“Ligáw” din ang pang-uri na “strayed, lost in the way” kaya tayo naliligaw o sinasadyang iligaw o “to cause to be strayed” na maaari ring sabihing magkaligáw-ligáw, o “to lose one’s way by wrong direction.” Sinadyang iligaw ang pagbibigay ng nakalilitong direksiyon sa pupuntahan lalo’t nakákaligáw ang daan.
Ginagamit din ang “ligaw” para ilarawan ang “wildly growing, as plant; undomesticated, as animal,” o kasingkahulugan ng “mailap, salbahe, gubat at uncontrolled.” Mayroon din tayong “ligaw na bala.” May “asong ligáw” o wild dog. Ang kamatis na ligáw ay wild tomatoes. Ang damóng ligáw ay mula naman sa wild weed. Kung paanong ang siling ligáw ay wild pepper.
Pamilyar tayo sa mga “ligaw” na ito. Pamilyar din tayo sa panliligaw na napapanahong ginagawa ng kakilala natin ngayong linggong ito.
Traffic ngayon sa lugar na malapit sa tinutuluyan ko dito sa Sampaloc, Maynila na kung tawagin ay Dangwa, ang flower trading epicenter sa Kamaynilaan dahil sa dami ng bumibili ng bulaklak para isabay sa Valentine’s Day na de facto occasion.
Ang Valentine’s Day ay halos katumbas ng pagpapahayag ng pag-ibig na, for better or for worse, may katumbas ding halaga sa panukat ng komersyalismo. May halaga ang iniaalay katumbas ng pagmamahal: pagkain sa restawran, promo sa hotel at sinehan, sale na item sa mall na maaaring ipanregalo sa minamahal. O kung walang materyal na ibibigay, puwedeng gawin ang lahat pati na ang thesis.
Bilang propesor, saksi ako sa paghihirap sa thesis ng mga estudyante ko sa kolehiyo at graduate school. Kaya hindi ako magtatakang binawi rin ito ng mismong sumulat ng kanta. Sabi nga sa halos ay urban legend nang pahayag, sariling thesis daw hindi niya magawa, thesis pa kaya ng iba?
Mahirap ang thesis. Pero mahirap ding paniwalaan ang kaakibat na pangakong kasama ng panliligaw lalo mula sa gustong mahalin din in return. Lalong mahirap paniwalaan iyong mula sa mga pulitikong nililigawan tayo sa kampanya kahit alam nating gahaman at puro lang pagnanakaw at panloloko ang gagawin. Ang masama, ang magagaling manligaw ang laging nananalo sa bayang ito.
Napakadali kasi nating ligawan at magpauto. – Rappler.com
Si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D., ay isang associate professor ng mga seminar sa bagong media, pananaliksik, at malikhaing pagsulat sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas. Isa rin siyang research associate sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities.