MANILA, Philippines — Pinangunahan nina Francis Casey Alcantara at Indonesian partner na si Christopher Rungkat ang M25 Chennai sa India nang makuha ng Filipino netter ang kanyang ika-20 International Tennis Federation (ITF) doubles title.
Dinomina nina Alcantara at Rungkat sina Bogdan Bobrov at Adil Kalyanpur, 6-4, 6-2, sa loob lamang ng 59 minuto para angkinin ang $25,000 championship.
Nalampasan ng Filipino-Indonesian pair ang mahigpit na first-set duel bago dominahin ang second set sa 5-2 start at hindi na muling lumingon para makamit ang kanilang ikatlong kampeonato nang magkasama.
Sina Alcantara at Rungkat ay nagwagi ng dalawang titulo nang magkasama noong nakaraang taon sa Malaysia, na namuno sa M15 Kuala Lumpur at M15 Ipoh Perak.
Ang 31-anyos na si Alcantara ay nanalo ng 20 doubles championships sa 42 ITF final appearances.
Sina Alcantara at Rungkat ang top seed ng tournament, pinabagsak sina Bernard Tomic at Alexey Shtengelov sa unang round, 6-1, 7-5, bago pinatalsik sina Orel Kimhi at Ofek Shimanov sa quarterfinal, 6-3, 6-2.
Dinaig ng champion duo sina David Pichler at Sandro Kopp sa tatlong set, 6-3, 2-6, 10-7, sa kanilang semifinal duel noong Biyernes.
Pinamunuan din ni Alex Eala ang W50 Pune doubles sa India nang ginulat nila ng kanyang partner na Latvian na si Darja Semenistaja ang top-seed pares nina Naiktha Bains at Fanny Stollar, 7-6(8), 6-3, noong Sabado.