Trigger warning: May mga binabanggit tungkol sa abuso at karahasan.
Killer daw siya. Sa katunayan, nakapatay na siya ng dalawang taong nagnakaw sa kaniyang kapitbahay sa Quezon City.
Ganito nagpakilala si Dadong, isang retiradong pulis-Maynila, sa kanyang mamanuganging doktor na si Noel. Unang pagkikita ng dalawang mama. Kakaamin lang kasi ni Mila, kaisa-isang anak ni Dadong, na buntis ito. Hindi niya pa naipakikilala sa mga magulang ang kanyang nobyo. Napakahigpit kasi ng kanyang ama, kahit na nasa hustong gulang na si Mila at nag-aaral na nga para sa board exam sa pagkadoktor.
Maya-maya ay niyaya ni Dadong si Noel na maglakad sa paligid ng bahay. May kaunting tawanan, kaya’t nabuhayan ng loob si Mila. Kung ganoon, hindi naman siguro malaki ang galit ng ama. Pero alam ni Dely, ina ni Mila at asawa ni Dadong, na di tatagal ay lalamunin na rin ng takot, pagsuko, at lubusang pagsunod si Noel. At saka lang ito magiging tunay na miyembro ng tahanan, kung saan umiiral ang batas ng pagmamahal. May karampatang parusa ang sinumang lalabag sa batas.
Ito ang isa sa mga unang eksena sa dulang Kisapmataadaptasyon ni Guelan Luarca, na kasalukuyang itinatanghal ng Tanghalang Pilipino sa Tanghalang Ignacio Gimenez ng Cultural Center of the Philippines.
Hindi na bago ang Kisapmata. Noong 1981, lahok ang pelikula sa Metro Manila Film Festival, kung saan umani ito ng maraming parangal. Hindi matatawaran ang pagganap nina Vic Silayan at Charito Solis bilang mga magulang, at Jay Ilagan at Charo Santos bilang bagong kasal. Tagumpay din ang pelikula sa paglikha ng takot mula’t mula pa lang, kahit eksena lamang ng bahay at ilang mababang nota mula sa cello ang tumutunog. “Foreboding” ang salitang agad papasok sa isip para ilarawan ang nararamdaman ng manonood, wala pa mang nangyayari.
Mas mahalaga: hindi rin kathang-isip ang Kisapmata.
Halaw ito sa tunay na buhay, sa isang trahedya sa Kalye Zapote sa Makati noong 1961. Iniulat ito ni Quijano de Manila — pangalan ng premyadong manunulat na si Nick Joaquin bilang peryodista — sa paraang literary journalism bago pa man sumikat ang ganitong estilo; napapaloob ito sa koleksiyong Mag -ulat sa krimen.
Sa adaptasyon ni Luarca, walang bahay na may nakakatakot na arkitektura, kahit na masusi ang paglalarawan dito ni Quijano de Manila at malaki ang papel na ginampanan nito sa pelikula. Sa dula, walang laman halos ang entablado kundi ang mga bangkong sumusulpot kung gagamitin. Malayang nalalakaran ang paligid ng “bahay” — dito nakalagak ang mga bulating alaga ni Dadong. Sa likod, kita ang nagtataasang talahib. At kapag nasisinagan ng ilaw ang estruktura sa kisame, nagbibigay ito ng ilusyon ng mga rehas. Tunay ngang mga bilanggo ang pamilya ni Dadong.
At kung payak ang set, wala ring pangangailangan sa mabusising damit ang mga tauhan. Iisa ang kulay ng kanilang suot — kayumanggi. Nakayapak sila. Hindi kailangan ng kahit anong costume dahil malinaw agad ang kanilang pagkatao: Ang diktador at marahas na ama (ginampanan ni Jonathan Tadioan), na nagsasabing ginagawa niya ang lahat dahil sa pagmamahal; ang ina (Lhorvie Nuevo-Tadioan), na pinanghinaan na ng loob at iniwan na ng lakas na lumaban; ang anak (Toni Go-Yadao), na sumusunod lang dahil sa takot, pero nais nang lumaya; at, ngayon, ang manugang (Marco Viaña), na unti-unti nang naliliwanagan sa misteryong bumabalot sa babaeng kanyang minamahal.
Hindi pumayag si Dadong na bumukod ng tirahan sina Mila at Noel. Nagtakda rin siya ng doteng limang libong piso (malaking halaga na noong panahong inilalarawan): walang dote, walang kasal, sigaw niya. Kung magde-date — magsisine, manonood ng konsiyerto — kailangan kasama siya. Palagi niya ring pinipilit ang asawang si Dely na sumama ang pakiramdam at pilitin ang anak na doon na matulog sa tabi niya, para walang pagkakataong magtabi’t magsarili ang mag-asawa.
Di kalaunan, nangako si Dadong na makapasa lang ng board exam si Mila, papayagan na niya itong bumukod. Umasa sina Mila at Noel na tutupad sa usapan ang ama, pero, noong araw ng oath-taking, pinagbawalang sumama sa seremonya si Noel — ibalato na raw sa mga magulang ang araw dahil sila naman ang naghirap na mapagtapos si Mila. Naiwan si Noel sa bahay na ikinandado. Saka niya naunawaang hinding-hindi niya maihihiwalay ang asawa sa ama nito. Masyadong mahal ni Dadong si Mila — anuman ang maaaring ipakahulugan doon.
May bagong eksena sa dula na wala sa ulat at pelikula: ang komprontasyon ng anak at ina. Bakit hindi ka lumaban, lumayas, tanong ni Mila kay Dely. Sinubukan daw niya matagal na, pero hindi siya nagtagumpay. Hindi rin naman sumagi sa isip niya na bitbitin ang anak sa pagtakas. Dito malinaw ang toxic environment sa mga bahay kung saan nagaganap ang pang-aabuso at karahasan. Nasasanay nang tanggapin ang nangyayari sa kanila; hindi nila naiisip na kaya nilang pumiling lumabas sa sitwasyon. Nakondisyon na ang isip na mas mabuti pa ring tiisin ang lahat kaysa muling magsimula nang walang kasiguruhan. Para sa isang battered woman, halos imposibleng makaalis sa kapit ng mapang-abuso. Kahit wala sila sa tabi nito, pirming naiisip nila ang maaaring sabihin at gawin, at hindi sila lubusang nakalalaya.
Tuloy, gumawa na lang si Dely ng paraan para kayanin ang sakit, galit, at lungkot: “Ang gawin mo, ipunin mo lahat ‘yang galit mo, sama ng loob, tapos damhin mo lang. Ayan, ihinga mo. Tapos, ibulong mo lang. Ibulong mo sa lahat. Sa gabi. Sa tahimik. Sa mga talahib.” Ito ang uri ng katatagan na itinuturo niya sa kanyang anak.
Pero hindi pumayag si Mila. Iba siya sa kanyang ina. Kahit nga si Noel, na nagrereklamong nagsabi sa kanyang “Akin ka!” ay kanyang hinamon. Dahil ipinapasa nga lang ba mula sa ama hanggang sa asawa ang isang babae? Tunay lang ba siyang pag-aari — mahal, oo, pero sinasakop at kinokontrol — ng kung sinong dominanteng lalaki sa buhay niya?
Tumakas si Mila; naisahan si Dadong kahit todo-bantay ito sa anak. Sa huli, ang tanging nakapagpabalik kay Mila sa bahay ng ama ay ang pagnanais na maisalba ang ina mula dito. Hindi lamang niya ito aalagaan; kukunin niya ito at papalayain, tulad ng pagpapalaya niya sa sarili niya.
Hindi na lihim ang mangyayari sa kahuli-hulihan, pero nakagigitla pa ring masaksihan ang akto ng pamamaril sa manugang, asawa, anak, at sarili ng isang lalaking sinasabing nagmamahal lamang siya.
Anomang panahon o lugar, dapat tayong mag-ingat. Maraming bagay ang nagpapanggap na pagmamahal. Nais lang daw ng disiplina at kaayusan, o hangad lang daw ang kabutihan. Sa kalaunan, ang sinasabing pagmamahal pala ay pagdidiin ng kapangyarihan, pagkukubli ng sariling kahinaan, kasakiman, pagmamanipula, o purong kasamaan.
Mahigit 60 taon na nang mangyari ang tunay na krimen sa Kalye Zapote, pero walang kupas ang mga tema at tanong na pinalutang nito. – rappler.com