NEW YORK CITY — Sampung araw bago ang Araw ng Kalayaan, ipinagdiwang ng komunidad ng Pilipino sa New York ang ika-126 na anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas at itinampok ang “mas malaking” partisipasyon ng Philippine local government units (LGUs).
Mahigit isang daang organisasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng US ang nagparada sa kahabaan ng Madison Avenue upang gunitain ang okasyon.
Ang Knights of Rizal ay nagsilbing color guards para sa ika-34 na taunang pagdiriwang sa Big Apple, buong pagmamalaking iwinagayway ang watawat ng Pilipinas sa Madison Avenue sa New York City. Itinampok din sa parada ang pinakamalaking watawat ng Pilipinas sa mundo, na nangangailangan ng higit sa 50 katao upang iladlad ito.
Sabik na inabangan ng mga manonood ang iba’t ibang kultural na pagtatanghal na kumakatawan sa iba’t ibang lalawigan mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ayon kay New York Consul General Senen Mangalile, kakaiba ang selebrasyon ngayong taon dahil sa partisipasyon ng iba’t ibang local government units mula sa Pilipinas.
“Naniniwala ako na ang taong ito ay napaka-espesyal dahil nakita natin ang mas malaking partisipasyon mula sa mga local government units sa Pilipinas na pumupunta sa New York upang ibahagi ang kanilang mga pagdiriwang, upang ibahagi ang kanilang mga pamana, upang ibahagi ang mga elemento ng kanilang kultura, at sa tingin ko ito ay nagpapayaman sa pagdiriwang dito sa New York,” sabi ni Mangalile.
Nakipagtulungan ang GMA Pinoy TV sa Philippine Independence Day Council, Inc. (PIDCI) bilang eksklusibong media partner para sa pagdiriwang. —KBK, GMA Integrated News