Kumpiyansa ang Malacañang na patuloy na magkakaroon ng matibay na ugnayan ang Pilipinas at Estados Unidos sa ilalim ng bagong administrasyon ni Donald Trump.
“Ang Pilipinas at Amerika ay nagbahagi ng kasaysayan, at mayroon tayong hangaring ito para sa kapayapaan sa rehiyong ito. I think the commitments will be followed through,” sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa mga mamamahayag noong Miyerkules.
Nakatakdang bumalik si Trump sa White House pagkatapos ng apat na taon matapos makuha ang higit sa 270 boto sa Electoral College laban kay Vice President Kamala Harris.
Sa panahon ng kanyang kampanya, binigyang-diin ni Trump ang kanyang mga plano sa paghawak ng mga iligal na imigrante sa US, na kinabibilangan ng pagsasara ng mga hangganan.
Sinabi ni Bersamin na hindi nababahala ang administrasyon ng Pilipinas sa Trump administration sa maritime dispute sa West Philippines Sea kung saan nagsisilbing kaalyado ng US ang Pilipinas.
“Sa palagay ko ay hindi natin dapat ipag-alala iyon dahil may pagpapatuloy sa relasyong pang-internasyonal,” dagdag ni Bersamin.
Nang tanungin kung magkakaroon ng matatag na relasyon sa Pilipinas ang bagong gobyerno ng US, sinabi ng Executive Secretary: “Well, the description of ironclad is in the way America reads the Mutual Defense Treaty, so we will leave it at that. Kung sasabihin nila na ito ay matatag, ikalulugod naming sumang-ayon sa kanila.
Binati na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Trump kaninang araw. Sinabi ni Bersamin na ang punong ehekutibo ng Pilipinas ay maaaring tumawag sa huli “bukas o sa mga susunod na araw.” —Vince Ferreras/NB, GMA Integrated News