LUCENA CITY — Nasamsam ng pulisya ang mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu (crystal meth) mula sa umano’y “high value” drug trafficker sa bayan ng Siniloan sa lalawigan ng Laguna noong Lunes, Enero 13.
Iniulat ng Police Regional Office 4A (PRO-4A) nitong Martes, na si alyas “Marvin” ay hawak ng mga anti-illegal drugs operatives matapos itong magbenta ng P12,000 halaga ng shabu sa isang poseur buyer sa Barangay Wawa alas-5:42 ng hapon
Nakumpiska ng mga operatiba sa suspek ang limang plastic sachet at dalawang knot-tied transparent ice bag na naglalaman ng shabu na may bigat na 200 gramo na nagkakahalaga ng P1,360,000.
Tinukoy ng pulisya ang suspek na kabilang sa mga taong kasama sa drug watch list ng pulisya bilang isang “HVI” o high-value na indibidwal sa lokal na kalakalan ng droga.
Ang HVI ay tumutukoy sa mga financier, trafficker, manufacturer, at importer ng mga ilegal na droga o mga lider/miyembro ng mga grupo ng droga.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.