Ito ay nabuo ng AI na nagbubuod, na maaaring magkaroon ng mga pagkakamali. Para sa konteksto, palaging sumangguni sa buong artikulo.
I-tune-out ang ingay at magsuri: ano pa ang silbi ng Senadong manikluhod sa Pangulo? Pang-ayuda lang ba ang tingin ng nakararami sa institusyong ito?
Napakaingay ng mga rally sa pagsisimula ng kampanya para sa 2025 midterm elections ng Pilipinas.
Ano ba ang panahon ng kampanya kundi panahon ng ligawan? At tulad ng bolerong manliligaw, lahat ng klase ng pangako maririnig mo. Pero para sa mga dumadalo sa mga rally, wala nang sintamis pa sa pangako ng ayuda.
Tuwing kampanya, makikita ang batayang relasyong pyudal sa pagitan ng pulitiko at botante: ang patronage politics. HIndi pinag-uusapan kung paano mapauunlad ng pulitiko ang buhay, pamayanan, at ekonomiya ng botante — ang pinag-uusapan ay dole-outs o ayuda. Sabi nga ng resident economist ng Rappler na si JC Punongbayan, “Ayuda culture might be here to stay.”
Mabalik tayo sa pinakatampok na banggaan ngayong 2025: ang Marcos vs Duterte, at ang 2025 midterms ay malinaw na proxy war ng dalawa.
Sabi ng administration slate, wala raw negative campaigning sa kanila — pero exempt ang Presidente diyan. Siya lang ang puwedeng bumanat sa administrasyon ni Rodrigo Duterte — may basehan naman in fairness: extrajudicial killing, ang pangangayupapa sa China, ang pagpapapasok sa mga POGO at international criminal syndicates, at ang korupsiyon noong pandemya (na tila noong pandemya lang umusbong ang korupsiyon.)
Tulad nga ng sinabi ng veteran journalist na si John Nery, hinuhulma ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang eleksiyon bilang isang referendum sa Duterte administration.
May mga ayaw ng isang Duterte revival — batayan nila ang bangis ng pagbabalik ni Donald Trump sa Amerika. Kaso, madikit pa rin ang messaging ng kampo ni Duterte: ang nakaupo raw ay incompetent na ayusin ang kabuhayan — kulang pa rin ang jobs sa bansa, at hindi ligtas ang mga tao sa krimen — siyempre hindi na binanggit ni Digong na pinagsikapan niyang gawing mga killer ang kapulisan noong panahon niya.
‘Yan ang messaging, puntahan naman natin ang dynamics. Kung sa patronage umiinog ang pagboto at pagpili ng liderato ng masa — patronage din ang name of the game sa pagitan ng ehekutibo at lehislatura.
Sa Pilipinas, ang konsepto ng mga co-equal branch ng gobyerno ay isang alamat-iginiit ng lalaking Gaano na iginiit niya sa kanyang Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tingnan na lang natin ang naging kalakaran sa Kongreso in recent memory — standout sina dating speaker Pantaleon Alvarez, Alan Peter Cayetano, Lord Allan Velasco, Gloria Arroyo, at maging si Jose de Venecia Jr. sa pagiging kampeon ng agenda ng mga presidenteng nakaupo.
Pero hindi na natin kailangan ng history lesson upang pabulaanang matagal nang patay ang independence sa Senado — Your Honor, exhibit A sina Senador Bong Go, Robin Padilla, at Bato dela Rosa — at siyempre Speaker Martin Romualdez sa Mababang Kapulungan.
Ngayong eleksiyon, dapat natin i-tune-out ang ingay at magsuri: ano pa ang silbi ng Senadong manikluhod sa Pangulo? Pang-ayuda lang ba ang tingin ng nakararami sa institusyong ito? Pabiro ngang sabi ng isang editor ng Rappler, “Baka magtayo na lang tayo ng Kagarawan ng Ayuda na ang mga nakaupo ay mga mananalong senador.”
Ang Senado ay co-equal branch na dapat bumabalanse at tumatabla sa kapangyarihan ng presidente — ‘yan ang principle of checks and balances.
Pero nagmistula na itong tambakan ng mga payaso at plataporma ng mga dinastiyang pamilya.
Kailangan ba talaga ng bayan natin ng tatlong Tulfo sa Senado? Kailangan ba natin ng isa pang Villar, katabi ni Mark, habang ang ina nilang si Cynthia ay tumatakbo naman para sa mababang kapulungan matapos ang termino sa Senado?
Kaya’t ngayong 2025, mga kababayan, huwag iboto ang mga kumunsinte ng pang-aabuso ng kapangyarihan. Huwag iboto ang mga magtataguyod lamang ng interes ng kanilang pamilya. Huwag iboto ang magiging sunud-sunuran lang sa interes ng kanilang padrino — mapakasalukuyang presidente, dating presidente, o negosyante man.
Huwag ding iboto ang party list na hindi tunay na kumakatawan sa interes ng ipinangangalandakan nilang sektor. Magsaliksik, magtanong, magsuri. Lima singko ang party list na walang track record, matinong plataporma at puro porma lang.
Huwag na tayong magpabudol sa “ayuda” at sa mga pangakong mapapako lang. Gumising na, bayan. – Rappler.com