Ito ang buod na binuo ng AI, na maaaring may mga error. Para sa konteksto, palaging sumangguni sa buong artikulo.
Naging katatawanan ang batas na naglalayon sanang gawing patas ang labanan at limitahan ang pagbaha ng salapi sa eleksiyon
Matira ang matibay. ’Yan ang batas ng maraming labanan. Sabi nga ni Vergel Santos, “Darwinian” o survival of the fittest ang demokrasya sa Pilipinas. At sa kaso ng mga eleksiyon natin, tila “matira ang mayaman” ang mas angkop na hugot.
At ’yan na nga ang ibinabadya ng data ng Philippine Center for Investigative Journalism sa ads spending ng mga kandidato na kinalap mula sa monitoring ng Nielsen Ad Intel.
Bago pa man ang filing ng certificates of candidacy (COC), umere na ang ads na nagkakahalaga ng P4 bilyon sa TV at radyo. At kalahati ng P4 bilyon na ’yan ay ad spending nina Camille Villar at Imee Marcos, na tig-P1 bilyon ang ginastos.
Take note, nangyari ang ad spending na ito bago pa man ang filing ng COC noong Oktubre. Gusto ’nyong hulaan kung magkano na ang nagagastos ng dalawang heredera ng dalawang pinakamakapangyarihang dinastiya sa bansa pagdating ng Enero 2025? Lalo na’t nasa 10th-15th ang ranking nila sa latest survey ng mga kandidato sa pagkasenador? Tsk.
Saan pa manggagaling ang dysfunctional system na ito kundi sa kawalang ngipin ng batas na i-regulate ang paggastos sa eleksiyon.
Noong Abril 2024, with all conviction, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na bawal na ang premature campaigning sa darating na eleksiyon. Ayon kasi sa Omnibus Election Code, hindi puwedeng mangampanya nang labas sa official campaign period.
Pero wishful thinking ito ng Comelec, dahil ayon sa Republic Act 9369, maituturing lamang na “kandidato” ang isang indibiduwal sa oras na magsimula ang campaign period — bagay na pinagtibay ng Korte Suprema.
Sa madaling salita, lusot dahil sa loophole ng batas. Hindi maaaring akusahan ng premature campaigning ang isang taong hindi pa kandidato. Naging malaking katatawanan ang Section 80 sa Code na naglalayon sanang gawing patas ang labanan at limitahan ang pagbaha ng salapi sa eleksiyon.
Pero hindi lang ’yan ang mga development na sumisira sa ilusyon na may “fair elections.” Ngayong si Elon Musk ang may-ari ng X, formerly Twitter, at tinigilan na ni Mark Zuckerberg ng Meta ang pretense na lalabanan ng Facebook at Instagram ang disinformation, anong klase ng impormasyon ang dedelubyo sa mga gumagamit ng social media bilang source ng information?
Ayon sa isang pag-aaral ng Nerve, integrity at honesty ang top of mind na hinahanap ng voters. Pero paano nila maaalala ang isang kandidatong may integridad at dangal kung pobre ang mga ito at hindi kayang makipagsabayan ng langoy sa pusali ng disinformation at bayad na propaganda at content?
Ngayon pa lang, binabaha na ang ating news feeds ng manipulated reality na naka-align hindi sa katotohanan kundi sa kung ano ang tingin ng friends, at friends of friends. Mas makikita rin natin ang ads ng mga politiko na may money to burn.
Sa big picture, ano ang problema sa UNLI na spending sa eleksiyon? Siyempre, may inaasahang return of investment ang mga politiko sa ginastos nila. Bakit naman magiging sulit ang oras at kuwarta nila sa kakarampot na suweldo ng isang senador, kahit pa i-factor in mo ang kasikatan ng isang national official?
Ang sagot diyan ay ang koneksiyon ng election spending sa korupsiyon. Tila mababawi ang investment sa ibang paraan. Ang marami sa politicians ay high-stakes businessmen na nais isulong ang agenda nila sa negosyo. In short, ang gantimpala ay kapangyarihan, impluwensiya, kickback, at pagpapalakas ng dinastiya.
Ito ang sinabi ng Rappler sa isang editorial noong 2021 tungkol sa 2022 elections: Hinayaan nating dumausdos ang demokrasyang ito dahil hinahayaan nating bumuo at tukuyin ang kapangyarihan ayon sa sarili nitong masasamang hangarin. Sa pinakamalalim na sulok ng aming mga kaluluwa, alam namin na ito ay totoo: na ang aming katahimikan, ang aming pagsang-ayon, at ang aming kasiyahan ay nag-ambag sa demokratikong backslide na ito..
Tinalakay ni Teacher Rubilyn ang kapalmuks na diskarte ng mga kandidato bago pa man ang panahon ng aktuwal na campaign period. Kung meron man kayong magiging take-away sa editorial na ito, sana ito na ‘yun. (PANOORIN: Paano mag-premature campaigning, ayon kay Teacher Rubilyn)
Panahon na upang mabakuran ang mga botante laban sa mind conditioning ng social media, TV at radio ads, at nakapaskil na propaganda ng mga trapo sa mga lansangan. Time to win our political power and agency back. – Rappler.com