Ito ay nabuo ng AI na nagbubuod, na maaaring magkaroon ng mga pagkakamali. Para sa konteksto, palaging sumangguni sa buong artikulo.
Tampok ngayon ang vote-buying, clamor for basic services, at online manipulation
Nanood ang buong mundo sa pinakasagradong proseso ng botohan nitong Huwebes, May 8. Balot sa misteryo ang eleksiyon, at ma-e-excommunicate ang magli-leak ng detalye. Ito ang conclave na naghalal kay Pope Leo XIV, ang bagong Papa kasunod ni Pope Francis.
Pero ang mga eleksiyon sa sarili nating bayan – malayo sa sagrado. Sa katunayan, palagiang binabalahura ang prosesong ito – at laging tanong sa pagtatapos ng botohan kung napangalagaan ba ang integridad ng boto.
Ngayong May 12, sabi ng International Observer Mission, nakasaksi sila sa vote buying incidents, red-tagging, at insidente ng pananakot at harassment.
Sa monitoring ng Commission on Elections o Comelec, nasa 45 ang kumpirmadong election-related incidents kung saan 26 lang ang tinaguriang “violent.” Malayo ito sa average na 200 na insidente ng karahasan na itinuturing na normal threshold ng mga nakaraang halalan.
Kung noong araw, may goons, guns, at gold, ngayon may CCC — cash, core services (tubig, kalusugan), at cyber manipulation.
Saksi mismo ang Rappler sa mga pila na cash-giving sa Laoag — at itinuturo ng mga tumanggap ang Team Marcos bilang tagapagmudmod ng pera.
At ano ang nangingibabaw na sigaw mula sa Cavite, Angeles City at San Fernando sa Pampanga, Leyte, Bacolod City at Bukidnon? Tubig! Palyado ang delivery ng batayang service na ito ng concessionaire na pag-aari ng pinakamayamang Pilipino (ayon sa Forbes) na si Manny Villar, ama ni Camille na tumatakbo para sa Senado.
Simula nang inaresto si Duterte, umigting na naman ang cyber operations at disinformation sa bansa, at nagpatuloy ito sa panahon ng kampanya.
May isa pang C na pumapapel na karugtong ng cyberwars — China, dahil ang digital disinformation operations ay funded daw ng kapitbahay nating superpower na palagian nang kagirian ng Coast Guard at Armed Forces of the Philippines sa West Philippine Sea.
Nitong Sabado, May 10, tumanggap ang Comelec ng reklamo sa digital disinformation operations na umano’y pinondohan ng Tsina. Layon daw ng ops na i-boost si dating presidente Rodrigo Duterte at mga kaalyado niya.
Ang mga makikinabang sa boosting? Sina Duterte at kanyang pamilya na tumatakbo, Philip Salvador, Jimmy Bondoc, Vic Rodriguez, Bong Go, Bato Dela Rosa, Rodante Marcoleta, Apollo Quiboloy, at iba pa.
Krusyal ang midterm elections sa pagpapanalo ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ng pinakamalaking sugal ng kanyang pagkapangulo: ang impeachment trial ng kanyang estranged na kabiyak sa pulitika, si Bise Presidente Sara Duterte. Mauuwi ang lahat sa bilangan ng mga senador na boboto ng guilty o not guilty.
Maraming nakataya sa eleksiyong ito — mula political survival ng mga Marcos at Duterte — hanggang sa katinuan nating mga botanteng nakaabang sa gripo na walang tumutulo.
113 sa 149 na siyudad sa bansa ay pinaghaharian ng dynasties. 80 sa city mayors na nag-aambisyong ma-reelect ay galing sa mga dinastiya. At may isang bagay na tila bago ngayon: dahil sa palpak na serbisyo ng tubig, may umuusbong na awareness at pagtatakwil sa mga dinastiya.
Sabi nga ni Cardinal Jose Advincula na lumahok sa conclave sa Roma, “Ipinagdarasal ko na ituring ng mga Pilipino na sagradong katungkulan ang eleksiyon. Sana’y ang tagubilin ng Diyos ang pangunahing kosiderasyon, hindi pera o blind loyalties.” #AmbagNatin #PHVote. – rappler.com