Ito ang buod na binuo ng AI, na maaaring may mga error. Para sa konteksto, palaging sumangguni sa buong artikulo.
Paano malilimutan ng 47th president ng Estados Unidos ang pamilya Marcos, eh si Donald Trump ang bumili sa isang skyscraper ng mga Marcos sa Manhattan
Malinaw sa pagkukuwento ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga reporter na ikinatuwa niya ang phone conversation nila ni US President-elect Donald Trump noong Martes, Nobyembre 18.
Nasa Catanduanes si Marcos noong Martes, Nobyembre 18, para kumustahin ang mga nasalanta ng bagyo roon. Habang umiikot siya sa Catanduanes, tinanong siya ng media tungkol sa isang “important phone call this morning.”
Ani Marcos: “Oo, oo, ginawa ko. Kaninang umaga. Kaya’t na-delay itong lakad ko na ito ay dahil nakapag-iskedyul ako ng tawag sa telepono kay president-elect Donald Trump. At nakausap ko siya kaninang mga — kaninang umaga at naalala naman niya ang Pilipinas.
“Ang kaibigan niya talaga mother ko. Kilalang-kilala niya ‘yung mother ko. Kinukumusta niya si — “Kamusta si Imelda?” paano na ano… Sabi ko, binabati ka nga at…”
Hindi naman kagulat-gulat na kilala ni Trump si Imelda Marcos. Paano nga naman malilimutan ng 47th president ng Estados Unidos ang pamilya Marcos, eh kung maalala ‘nyo, si Trump ang bumili sa isang skyscraper ng mga Marcos sa New York City.
Kilalang-kilala ‘yun bilang Trump Building sa 40 Wall Street na ilang hakbang lang ang layo sa New York Stock Exchange. Sabi sa website nito: “Nakuha ni Donald J. Trump ang gusaling ito noong 1995 pagkatapos panoorin ang pabagu-bagong kasaysayan nito sa loob ng mga dekada. Noong 1980’s ito ay binili ni Ferdinand Marcos, ang dating diktador ng Pilipinas. Ang isang rebolusyon sa Pilipinas pagkatapos ay humingi ng kanyang buong atensyon at 40 Wall Street ay nahulog sa kaguluhan at pagtanggi.” Nagpasa-pasa ang pag-aari ng skyscraper hanggang sa mapunta na ito kay Trump, na nagbuhos naman ng $200 milyon para lang sa restorations.
Kaya naman hindi mawawaglit sa isip ni Trump ang kaibigan niyang si Imelda Marcos.
Ayon sa mga ulat ng New York Times noong 1986, ibinunyag sa mga pagdinig ng US House of Representatives at sa US Federal Court na may apat pang gusali sa Manhattan na umano’y pag-aari ng mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos. Ang mga hearing na ginanap noon ay bahagi ng mga pag-uusisa kung meron bang nagamit na American aid sa investments ng mga Marcos.
Bukod sa 40 Wall Street, naging pag-aari rin daw ng pamilyang Marcos ang mga property sa 730 Fifth Avenue, 200 Madison Avenue, Herald Center, at Herald Square. Itinanggi naman ng mga Marcos ang pag-aari ng mga ito. – Rappler.com