MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang menor de edad na armado ng pellet gun at kitchen knife dahil sa pagnanakaw umano sa isang 19-anyos na naglalakad malapit sa gasoline station sa Las Piñas Huwebes ng madaling araw.
Natukoy sa ulat ng Southern Police District (SPD) ang dalawang 16-anyos na suspek sa kanilang mga alyas na “Gielyn” at “Nico.” Kinulong sila ng mga operatiba ng Las Piñas police sa follow-up operation sa kahabaan ng C5 Road Extension sa Pulanglupa Uno bandang 5:30 ng umaga
BASAHIN: Pulis: May pellet gun ang estudyanteng pinatay ng mga opisyal
Sinabi ng pulisya na ang dalawa ay sinamahan ng isa pang suspek na si “Rusty,” na nananatiling nakalaya. Sakay umano ang tatlo sa isang motorsiklo na walang plaka nang harangin nila ang daraanan ng 19-anyos na biktimang si “Nikkos” sa kahabaan ng Barangay Manuyo Dos dakong alas-2:30 ng madaling araw.
Lumapit sa biktima ang isa sa mga suspek na may dalang pellet gun at kinuha ang kanyang telepono at wallet bago tumakas ang tatlo sa lugar.
Ibinunyag ng SPD na agad na humingi ng tulong si Nikkos sa mga operatiba ng Zapote Sub-Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang menor de edad.
Narekober mula sa mga suspek ang isang pellet gun, isang 13-inch kitchen knife, ang motorsiklo na ginamit sa paggawa ng krimen, at ang telepono ng biktima.
Ang mga naarestong indibidwal ay nahaharap sa maraming kaso dahil sa paglabag sa Article 294 ng Revised Penal Code (robbery with violence against or intimidation of persons), Section 35 ng Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Batas Pambansa Blg. 6 (ilegal na pagmamay-ari ng may talim, matulis, o mapurol na armas).
Sinabi ng SPD na patuloy pang tinutunton ng Las Piñas police ang natitirang suspek, habang ang dalawang naarestong menor de edad ay ituturn-over sa Bahay Pag-Asa ng Department of Social Welfare and Development.