MANILA, Philippines — Inaresto ng mga awtoridad noong Enero 10 ang isang indibidwal dahil sa pagbebenta ng hindi lisensyadong mga baril sa isinagawang entrapment operation sa Liloan, Cebu.
Ayon sa National Bureau of Investigation nitong Huwebes, nakabili ang mga ahente ng Cebu District Office ng KG9 submachine pistol sa halagang P23,000 mula sa suspek na kinilalang si Brylle Alforque La Villa.
BASAHIN: 2025 polls gun ban: 86 na baril ang nakumpiska, sa ngayon
Pumayag si La Villa na makipagkita sa buyer malapit sa isang tulay sa Barangay Catarman, kung saan siya inaresto dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Narekober ng mga awtoridad ang marked money gayundin ang submachine pistol mula kay La Villa.
Sinabi ng NBI na ang suspek ay iniharap para sa inquest proceedings ng Provincial Prosecutor ng Cebu noong Enero 10. —Gillian Villanueva