– Advertisement –
Hinimok kahapon ng MALACANANG ang mga tao sa gobyerno na talikuran ang mga bonggang Christmas party ngayong taon at obserbahan ang pagtitipid sa gitna ng sunud-sunod na mga bagyo na tumama sa bansa.
Nanawagan si Executive Secretary Lucas Bersamin, sa isang pahayag, matapos ang apela ni Pangulong Marcos Jr. noong Lunes na isipin ng lahat ang mga naapektuhan at nagdusa sa pananalasa ng matinding tropikal na bagyong Kristine at mga bagyong Leon, Marce, Nika, Ofel , at Pepito ngayong Kapaskuhan.
“Hinihikayat namin ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na iwasan ang mga marangyang pagdiriwang ngayong Pasko (we encourage all agencies of government to avoid lavish Christmas celebrations),” Bersamin said.
“Ang panawagang ito ay bilang pakikiisa sa milyun-milyong kababayan natin na patuloy na nagdadalamhati sa mga buhay, tahanan, at kabuhayang nawala sa anim na bagyong humagupit sa atin sa loob ng wala pang isang buwan,” dagdag niya.
Sinabi ni Bersamin na ang mga matitipid na malilikom mula sa pagdaraos ng mga simpleng party ay maaaring ibigay sa mga komunidad na apektado ng serye ng mga bagyo.
“Ang tunay na diwa ng Pasko ay nagsusumamo sa atin na ipagdiwang nang may habag, ibahagi ang ating mga pagpapala, at magsaya. Bilang isang bayang pinag-isa ng pagmamahal sa ating kapwa, maaari nating iwaksi ang kalumbayan sa pagdiriwang natin ngayong panahon ng kagalakan,” aniya.
“Sa bahagi ng gobyerno, sisiguraduhin natin na ang diwa ng Pasko ay maagang mararamdaman ng lahat ng mga apektadong lugar sa anyo ng mga relief goods at tulong, imprastraktura na itinayong muli, at mga kabuhayang naibalik,” dagdag niya.
Ang sunud-sunod na bagyong humagupit sa Pilipinas ay nag-iwan ng bilyun-bilyong pisong pinsala sa agrikultura at imprastraktura.