Kabuuang P4.2 bilyon ang inilaan para sa bagong gusali ng Senado sa 2025 national budget, kaya naging P23.5 bilyon ang kabuuang alokasyon sa istruktura mula noong 2018.
Sa ulat ni Mav Gonzales noong Miyerkules sa “24 Oras,” ang pagtatayo ng bagong tahanan ng Senado ay tumatanggap ng bilyun-bilyon mula sa General Appropriations Act (GAA) bawat taon, batay sa pag-aaral ng GMA Integrated News Research.
Ang P4.2 bilyon na badyet para sa 2025 para sa “Relokasyon ng Senado” ay mapupunta sa mga sumusunod:
- P4B para sa mga huling gawain upang makumpleto ang Phase III ng Bagong Gusali ng Senado
- P209.76M para sa final installment para sa pagbili ng lote para sa relokasyon ng opisina ng Senado
- P33.435 M para sa maintenance at iba pang gastusin sa pagpapatakbo
Ang bagong gusali ng Senado ay inaasahang matatapos sa 2027.
Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Public Works and Highways sa Senado, ang tinatayang halaga ng gusali ay umabot na sa P31.6 bilyon, hindi kasama ang bayad sa parsela ng lupa at kasangkapan.
Katumbas ito ng mahigit P240,000 kada metro kuwadrado.
Kung batay sa Construction Cost Handbook Philippines 2024 ng Arcadis Philippines Incorporated, maaaring umabot sa P183,000 ang per-square-meter cost ng isang dekalidad na mataas na opisina.
Nilinaw ng ulat na ito ay mga pangkalahatang patnubay sa industriya lamang at hindi partikular sa bagong gusali ng Senado. —Mariel Celine Serquiña/LDF, GMA Integrated News