‘Ang pinahihintulutan ng artificial intelligence na gawin ng isang warrior ng impormasyon ay may napaka-target na maling impormasyon at gawin iyon sa sukat, ibig sabihin, ginagawa mo ito sa daan-daan o libu-libo, marahil kahit milyon-milyong tao,’ sabi ni Michael Chertoff, dating Kalihim ng Homeland Security ng US
Pinangangambahan ng maraming eksperto ang panganib sa paggamit ng artificial intelligence (AI) dulot ng maaaring epekto nito sa gaganaping mga pandaigdigang halalan ngayong taong 2024.
Ito, matapos bigyang-tuon ang papel ng AI sa integridad ng eleksyon, disimpormasyon, at banta sa pambansang demokrasya sa diskusyon ng Institute of Global Politics at Aspen Digital Summit noong ika-28 ng Marso, 2024.
“Ang sasabihin ko, sa 2024, may mga peke. Some will be deep, most will be shallow and the simplest manipulations will travel the furthest on the interest,” sabi ni Clint Watts, pinuno ng Microsoft Threat Analysis Center.
Kasama sa sinusubaybayan ni Watts ang mga banta sa mga grupong may kinalaman sa gobyerno ng Russia, Iran, China, at iba pang mga bansa. Nagsagawa rin ang mga ito ng deep dive upang malaman kung paano ginagamit ng mga grupong ito ang AI para impluwensiyahan ang halalan.
Inilarawan din ni Watts ang pagmamanipula na nagreresulta mula sa AI na katulad ng deepfake na robocall na ginawa niya kay Joe Biden, Presidente ng United States. Si Volodymyr Zelenskyy, Pangulo ng Ukraine, ay aktwal na gumamit ng deepfake na teknolohiya sa salungatan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Hindi na bago ang paggamit ng manipuladong mga larawan at video tuwing halalan. Gayunpaman, kinababahala ng mga eksperto ang paggamit ng sopistikadong AI tools na kayang gumawa ng deepfakes na mas mura, madali, at mabilis gamitin sa pagpapakalat ng pekeng naratibo upang linlangin ang mga botante.
Pinasidhi ng generative AI ang deepfake technology – ang mukhang makatotohanan ngunit manipuladong content na nililikha ng mga AI algorithm na nagpapalabo sa pagitan ng totoo at pekeng pangyayari. Sa pamamagitan ng pagsasama, pagpapalit, at pagpapatong ng mga larawan at video clips, nalilikha ang “hyper-realistic synthetic media” o mga pekeng video o larawan na mukhang makatotohanan.
Madalas, ginagamit sa disimpormasyon ang maiiksing deepfake video dahil bukod sa mabilis itong magawa, ito rin ang higit na tinatangkilik ng manonood kumpara sa pagbabasa ng mga teksto, saad ni Watts.
“Ang pinahihintulutan ng artificial intelligence na gawin ng isang information warrior ay may napaka-target na maling impormasyon at gawin iyon sa sukat – ibig sabihin, ginagawa mo ito sa daan-daan o libu-libo, marahil kahit milyon-milyong tao,” paliwanag naman ni Michael Chertoff, dating Kalihim ng US ng Homeland Security.
Ayon kay Chertoff, nagiging mas epektibong armas ang AI dahil sa kakayahan nitong magpahina ng pambansang demokrasya at gamitin sa pandaraya sa sistema ng halalan.
“Sa isang mundo kung saan hindi tayo maaaring magtiwala sa anuman at hindi makapaniwala sa katotohanan, hindi tayo maaaring magkaroon ng demokrasya at hahantong ito sa ikatlong resulta, na sa tingin ko ay magiging mapanganib,” dagdag pa niya.
Banta sa pambansang demokrasya
Isa sa mga pinakamalaking problema ng Estados Unidos ang impunidad o kakulangan sa pagpapanagot ng mga maysala, ayon kay Maria Ressa, Nobel Peace Prize laureate at Rappler CEO. Aniya, kailangan ng mga tech company na magkaroon ng sariling regulasyon lalo na sa napakabilis na usad ng teknolohiya.
Sinuportahan naman ni Hillary Clinton, dating Secretary of State ng Estados Unidos ang mungkahi ni Ressa. Aniya, dumaragdag rin sa kakulangan ng regulasyon ng social media platforms ang mga negatibong content gaya ng “misogyny” sa pagtindi ng karahasan tungo sa kababaihan online.
“Kailangan mong ihinto ang gantimpala na ito para sa ganitong uri ng negatibo, marahas na nilalaman na nakakaapekto sa amin sa kabuuan. Ito ay partikular na nakatutok sa mga kababaihan. Ang empowerment ng misogyny, online ay talagang nagdulot ng labis na takot at humantong sa ilang karahasan laban sa mga kababaihan na handang manindigan,” sabi ni Clinton.
Bunsod ng mga banta sa demokrasya sa darating na halalan, nagbabala rin si Eric Schmidt, dating Google CEO, sa mga paraan ng mga algorithm na magpakalat ng mapanganib na content upang linlangin ang mga botante gamit ang emosyon.
“Ang emosyon at makapangyarihang mga video ay nagtutulak sa pag-uugali ng pagboto, at ang kasalukuyang mga kumpanya ng social media ay ginagawang armas iyon dahil (ang mga kumpanya) ay hindi tumutugon sa nilalaman, ngunit sa halip sa emosyon,” ani Schmidt.
Kasama sa eleksyon ang paggamit ng emosyon para impluwensyahan ang mga botante. Maaaring magamit ang AI upang pagsamantalahan ang takot, galit, at pagkabahala ng mga tao sa lipunan at politika bilang instrumento upang hatiin at hikayatin ang mamamayan.
Gayunpaman, mungkahi ni Anna Makanju, bise-presidente ng Global Affairs, OpenAI na mahalaga ring tingnan ang potensyal ng AI na lumikha ng edukasyong mas aksesible at magbibigay kamalayan sa mamamayan–mga susing aspeto para sa tunay at masaganang demokrasya.
Nakaatang na responsibilidad
Ang kakulangan sa regulasyon at kontrol sa paggamit ng AI ang lalong nagbubukas ng espasyo para sa disimpormasyon. Upang matugunan, higit ang pangangailangan para sa papel ng mga tech company na tiyakin ang proteksyon ng mamamayan laban sa mga maling impormasyon at pekeng naratibo.
Sa hindi mapipigilang pag-unlad ng teknolohiya kasama ang AI, makabuluhan ang pakikipagtulungan bilang bahagi ng pagbabago para masiguro ang integridad ng halalan, ayon kay Makanju.
“Sa tingin ko ito ay bumalik sa malapit na pakikipagtulungan sa mga kumpanya ng AI, mga kumpanya ng social media, mga opisyal ng halalan, at lipunang sibil na nagtutulungan upang matugunan ang problemang ito at ibahagi ang mga katotohanang iyon at ibahagi ang kaalaman,” ani Makanju. “Ito ay isang buong problema ng lipunan at walang solong aktor ang ganap na epektibong malulutas ito.”
Kasama sa mga kasalukuyang isinusulong ng mga tech company ang pagkakaroon ng watermark ng AI sa mga video, audio, at larawan upang malaman ang totoo sa hindi, ani Chertoff at Watts.
“May mga pagsasama-sama (ng) watermarking na maaaring isagawa sa pamamagitan ng program sa mga platform, at tinitiyak na mananatili ang matatag at maaasahang pag-encrypt para sa mga tao sa buong mundo upang ang kanilang mga komunikasyon ay hindi matikman ng mga pamahalaan,” sabi ni Watts.
Bukod sa paglalagay ng watermark, kailangan din ng sapat na edukasyon sa pagpapaunlad ng kritikal na pag-iisip at pagsusuri ng mamamayan tungkol sa katangian at wastong paggamit ng AI upang hindi mahulog sa bitag ng pekeng impormasyon.
“Ang aming tugon ay kailangang magkatulad na pagtutulungan, pambansa sa saklaw, at nakatuon sa pagbibigay kapangyarihan sa mga mamamayan at mga kasosyo sa lahat ng larangan at sektor–tech at higit pa–upang maging bahagi ng pagtulak at proteksyon ng ating mamamayan mula sa bantang ito sa ating demokrasya. ,” paliwanag ni Jocelyn Benson, Secretary of State ng Michigan. – kasama ang mga ulat mula kay Angelica Paller/Rappler.com