Kung hindi pa nagpaalam ang aking esposa na bibili ng kasuotang Filipiniana noong isang araw sa palengke ng Lucena, hindi ko pa maaalalang Buwan ng Wikang Pambansa ngayon. Sabi ng misis ko: “Minamahal kong kabiyak, mamarapatin mo ba nawang maglakbay kami ng iyong pinakamamahal na bunso sa lungsod ng Lucena upang makabili ng kasuotang akma sa okasyong nagdiriwang sa Buwan ng Wikang Pambansa?” Siyempre hindi niya sinabi iyan. Sabi lang niya na paalis na sila para bumili ng damit.
Ibinili din niya ang bunso kong nasa high school dahil kailangan daw para sa isang programa. Kakanta yata sila or something. Naaalala ko siyempre ang pet peeve ko tuwing Buwan ng Wikang Pambansa: magpapalaliman sa pananagalog ang mga emcee ng palatuntunan na karaniwan ay mga bibong estudyante o mga bagong gurong hindi makatanggi sa assignment ng department head. Magkakandabulol-bulol. Pagtatawanan ang sarili, sabay hihingi ng paumanhin in the line of: “Pasensiya na po, I am not used to magsalita, ay, sorry, Tagalog nga pala, pasensiya na po dahil hindi ako masyadong magaling mag-Tagalog k’se,” na, chances are, hindi rin naman sila ganoong kagaling umingles. Palibhasa malalansang isda.
Sa buwan na ito, kasabay ng mga pa-essay-writing at declamation contest at ng mga Ginoo at Binibini ng Wikang Pambansa sa mga paaralan, lalabas din ang mga trivia hinggil sa pag-inog ng ating wika buhat noong panahon ni Pangulong Manuel Quezon hanggang sa huling batas na nag-aatas palaganapin ang wikang pambansa tuwing Agosto ng bawat taon. Bubuhayin uli ang mito ng “malansang isda” na laging ibinibintang kay Jose Rizal mula sa kaniyang diumano’y “Sa Aking mga Kabata” na kinatha noong siya’y wawalong taong gulang. Diumano.
Isang buwan ang mga ganitong palatuntunan. Tiba-tiba ang nagbebenta ng kasuotang Filipiniana sa palengke at mall. Isang buwan sa loob ng isang taon, nakakatulong ang mga paaralan at sangay ng pamahalaan sa maliit na industriya ng tela, patahian, at distribution nito sa kapuluan. Salamat, Buwan ng Wikang Pambansa!
Sa buwan na ito rin natatanghal sa mga paaralan sa pamamagitan ng paglalabas ng taunang tema buhat sa ahensiya nagtataguyod sa wikang pambansa, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Heto ang tema ngayong taon: “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.” Ano man ang ibig sabihin niyan, bibigyan ng interpretasyon ng mga paglalabanang balagtasan, sabayang pagbigkas, at pagsulat ng sanaysay sa mga paaralan sa buong kapuluan.
Sa buwan din na ito, kasabay ng mga nanalo sa mga timpalak, kikilalanin ang mga nagpunyaging guro ng Filipino at iba pang kapanalig sa pagtataguyod ng wika sa bawat paaralan, distrito, dibisyon, at rehiyon. Congrats! Pero bago ibigay ang award, kailangan munang umattend ng webinar.
Pero may kakaiba ngayong Agosto. Nito lamang nakalipas na araw, ang KWF na may mahigit P100 milyong pondo buhat sa ating malahalagang buwis, ay tinuligsa dahil may itinalagang komisyoner na malayo ang credential sa requirement ng enabling law ng ahensiya, ang Republic Act 7104, o kilala rin bilang Commission on the Filipino Language Act, na pinagtibay noong Agosto 14, 1991. (Mga bata, pakitandaan ito dahil baka lumabas sa quiz sa Filipino.)
Ayon sa Section 6 ng batas, ang dapat na maging komisyoner ng KWF ay “natural-born Filipino citizen, at least thirty (30) years old, morally upright and noted for his/her expertise in linguistics, the culture and language of the ethnolinguistic region and the discipline he/she represents.” Dahil madali namang makita ngayon ang karakas ng kahit sino sa pamamagitan lamang ng pagdutdot sa internet, madaling napatunayang basyo ang credential ng bagong talagang commissioner para sa wikang Tagalog na si Attorney Marites Barrios Taran sa hinihinging kalipikasyon. Wala sa kaniya ang “noted for his/her expertise in linguistics, the culture and language of the ethnolinguistic region and the discipline he/she represents.” Bukod dito, sa Section 8 ng RA 7104, isinasaad na ang papalit sa bakanteng komisyon ay buhat sa “list of nominees submitted by the particular ethnolinguistic region affected by the vacancy.”
At dahil tinananggap ni Attorney Barrios Taran ang appointment sa kabila ng kakulangan ng kaniyang kakayahan, madali na ring isama sa equation ang usapin ng “morally upright” clause sa pagkatao ng uupong commissioner. Bakit nga naman hindi, P200,000 mula sa pinagpawisang buwis ng sambayanan ang suweldo kada buwan kahit kulang ang iyong credential. Moral bang magtamasa ng malaking suweldo buhat sa pawis ng mamamayan? Sa isang bansang naghihikahos ang mga gurong kumpleto ang credential, heto’t may sumusuweldo ng mahigit P200,000 kada buwan na kulang-kulang ang kakayahan. “Morally upright” pa ba ang pagtanggap ng ganito kalaking suweldo? Ano siya, senador?
Bueno, nakapuwesto na si Attorney Barrios Taran. Kaya naman kaliwan’t kanan ang pagtutol buhat sa mga higher education institutions at mga organisasyong pangwika, kultura, at panitikan. Minsan na nga lang mapag-uusapan ang ahensiya, sa ganitong uri pa ng balita. Na hindi na rin naman bago dahil sa loob ng sulok na ito sa JP Laurel sa Maynila katabi ng isang estero, panay ang batuhan ng isyu ng mga opisyal na ahensiya kung kani-kaninong kasama rin nila sa iisang bubong sa huklubang gusali. Sa totoo lang, magulo talaga. Kasing komplikado ng pagtatalaga ng wikang pambansa natin.
Full disclosure, marami akong kakilala’t kaibigan sa KWF. Pawang magagaling na manunulat at mananaliksik. Pinaghirapang makamit ang posisyon. Hindi bunga ng political favors. Dahil masugid akong manunulat, y’know, patula-tula sa sariling wika dati, hindi iilang beses akong nakatuntong sa tanggapan ng KWF para sa iba’t ibang okasyon. Hindi iilang pagkakataong naanyayahan sa kung anong pagtitipon. Heck, pati masarap na kambingang malapit sa KWF, alam ko kung nasaan.
Isang pagbisita lamang sa website, tatambad ang kanilang maraming aktibidad para sa mahalagang buwan na ito. Kaliwa’t kanan ang pa-seminar at paglulunsad ng mga publikasyon. May mga webinar na maaaring daluhan ng mga guro na hindi na kailangang pumunta pa sa Maynila. Maraming kasabawat na unibersidad sa kapuluan.
Sa buwan na ito, sa sirkulo ng akademiya at gawaing pangkultura, nagkakaroon sana ng saysay at kabuluhan ang pag-iral ng KWF. Pero hindi.
Time to revisit KWF’s reason for existence. Baka kasi ang mga ginagawa ng KWF (puwera ang bulto-bultong kontrobersiya ng ahensya) ay kaya nang gawin ng naglipanang state universities at ng iba pang higher education institution sa bansa. Tutal, lalo ngayong buwan, mga unibersidad din lang sa kapuluan ang kanilang karaniwang kasabwat para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Marami na rin namang literary contest, marami lalo ang nagpapa-webinar.
Maraming unibersidad ang nasa estratehikong posisyon para mag-aral ng katutubong wika ng ating bansa sa mismong lugar na dapat itong pag-aralan, tipunin, palaganapin. Tapos na ang panahong limitado lamang ang bilang ng higher education institutions sa bansa. Ano ba namang i-devolve ang trabaho ng KWF sa iba’t ibang unibersidad para mawalan na rin ng saysay ang pagtatalaga ng komisyoner na malamang, sa umiiral na kalakaran, political patronage ang malakas na credential kesa sa taglay na karunungang may kinalaman sa wika, kultura, at panitikan ng bayan? Ano ba namang italaga ang mga susunod na plantilla positions kaakibat ng mga pananaliksik ng mga state universities sa iba’t ibang panig ng bansa?
Hayaan na ito sa mga unibersidad. Sayang ang mahigit P100 milyong pondo kung magbabangayan lang ang mga dapat sana’y utak ng komisyon. Unti-unti nang i-devolve ang pondo, trabaho, at personnel patungo sa mga pampublikong unibersidad o bilang grant sa mga pribadong unibersidad na may magaling na track record sa pananaliksik. Baka kailangan nang bisitahin ang charter ng KWF at tingnan kung relevant pa ito sa panahon.
Sa isang ahensiyang mistulang isang buwan lang isang taon nagkakaroon ng kahalagahan, dapat sana ang inaasikaso ay ang pagpapatupad ng mandato nito sa sambayanan. Pero hindi. Nauuna ang paglapa sa posisyon ng mga hindi karapat-dapat. Well, ganito naman yata ang ibang ahensiyang naglaho na ang saysay sa bansa, pero may milyon-milyong pondo pang malalapa.
Ang buwan na ito ay para sana sa nagmamahal sa ating pambansang wika. Hindi bangayan at politikahan sa isang aandap-andap na ahensiyang lalong nawawalan ng saysay at patuloy na bubuhay sa mito ng “malansang isda” ni Rizal.
At bago natin ito nalaman, Setyembre na Uli Agad. – rappler.com
Professor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Kasalukuyan siyang chairperson ng UST Department of Creative Writing. Siya ang itinanghal na 2013 Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino.











