MANILA, Philippines – Nasa Pilipinas pa rin si dating Bamban Mayor Alice Guo at hiniling pa niya sa Department of Justice (DOJ) na ibasura ang reklamong qualified human trafficking laban sa kanya noong Agosto 16.
Naglabas ng pahayag si DOJ Assistant Secretary Jose Dominic Clavano IV noong Lunes nang tanungin tungkol sa pahayag ni Sen. Risa Hontiveros na umalis na ng bansa si Guo noong Hulyo.
BASAHIN: Umalis na ng Pilipinas si Alice Guo – Hontiveros
“Sa pagkakaalam namin, nasa bansa pa rin si Mayor Guo. Wala pang report sa amin na may tangkang umalis sa Bureau of Immigration,” ani Clavano.
“Sa katunayan, nagsampa siya ng mosyon para sa kanyang kaso sa DOJ noong Biyernes kung saan inilakip niya ang isang counter affidavit, na nanumpa sa harap ng isang notaryo publiko ng Pilipinas noong Agosto 14, 2024. At may mga naiulat na nakita mula sa mga LEA (law enforcement agencies ) pagkatapos ng Hulyo 18, 2024,” dagdag niya.
Sinabi ni Clavano na hinihintay pa nila ang opisyal na beripikasyon mula sa NBI “kung ang mga dokumentong iniuugnay sa kanila ay authentic.”
“Kami ay patuloy na mangalap ng impormasyon mula sa parehong Bureau of Immigration at National Bureau of Investigation. This is a case of national significance,” aniya.
“Kaya, kung totoo ngang umalis ng bansa si Alice Guo, kailangan ng masusing imbestigasyon para panagutin ang mga responsable. This is not a light matter,” dagdag pa ng opisyal ng DOJ.