Ito ang buod na binuo ng AI, na maaaring may mga error. Para sa konteksto, palaging sumangguni sa buong artikulo.
Nagpadala ang Coast Guard ng isang team para tulungan ang 105 pasahero, kabilang ang mga Swedes at Chinese, at 19 na tripulante
BATANGAS, Philippines – Patay ang dalawang tripulante na Pinoy, habang sugatan ang dalawang Chinese matapos magsalpukan ang dalawang pampasaherong sasakyang pandagat sa karagatan ng Verde Islands, Batangas, bandang 12:30 ng tanghali noong Miyerkules, Enero 31.
Sinabi ni Philippine Coast Guard-Batangas Station Captain Jerome Jeciel na ikinamatay ng aksidente ang kapitan at ikatlong kasama ng Hop & Go 1 fast craft.
Dalawang Chinese, parehong pasahero ng ferry, ang sugatan sa aksidente.
Ang Coast Guard sub-station sa Puerto Galera, Mindoro, ay nagpadala ng isang team para tulungan ang 105 pasahero, kabilang ang mga Swedes at Chinese, at 19 na tripulante ng Ocean Jet 6. Lahat ay dinala sa daungan ng Calapan at ligtas.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang Ocean Jet 6 ay patungo sa Calapan mula Batangas, habang ang Hop & Go 1 ay patungo sa Batangas mula Puerto Galera nang sila ay mabangga.
Ipinag-utos ni Admiral Ronnie Gil Gavan, PCG commandant, ang karagdagang imbestigasyon sa nangyaring banggaan, habang sinuspinde naman ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang safety certificates ng dalawang sasakyang pandagat.
Sinabi ni MARINA-Region IV Director Joey Victoria na ang mga sasakyang pandagat ay ipinagbabawal na mag-operate habang naghihintay ng resulta ng imbestigasyon. – Rappler.com