Ni AIZEL MAE TUGALON
Bulatlat.com
MANILA – Dalawang reklamong inihain laban sa dalawang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines at isang youth activist ang ibinasura ng Manila City Prosecutor’s Office dahil sa kakulangan ng ebidensya.
“I am happy that two of the three cases filed against us by Manila Police were dismissed. Ito ay nagpapatunay na ang pulisya ay walang sapat na ebidensya para sa mga kasong ito,” sabi ng isa sa tatlong estudyante na si Krizia kay Bulatlat.
Si Krizia at ang dalawa pang aktibistang kabataan ay humiling na hindi magpakilala para sa mga kadahilanang pangseguridad.
Nag-ugat ang kaso nang arestuhin ang tatlong estudyante dalawang araw bago ang paggunita ng martial law sa hinalang paninira. Pinalaya sila noong Setyembre 24 “para sa karagdagang imbestigasyon.”
Noong Nob. 14, ibinasura ang malicious mischief at disobedience to a person in authority charges dahil sa kakulangan ng ebidensya. Gayunpaman, iginiit ng prosecutor na nakahanap ito ng probable cause sa umano’y paglabag sa Manila City Ordinance No. 8609 o Anti-Vandalism.
Itinakda ang unang pagdinig sa Disyembre 6 sa Metropolitan Trial Court Branch 16.
“Ang arresting officer ay walang ebidensya o kahit na mga larawan na kami ay gumawa ng paninira…Sinabi niya na nahuli niya kami sa akto ngunit naglalakad lang kami sa kahabaan ng España.” Paliwanag ni Krizia.
“Wala kaming ginawang mali at hindi kami lumabag sa batas. Hindi tayo matatakot. Maninindigan kami laban sa natitirang kaso hanggang sa ma-dismiss ito,” ani Krizia. (JJE, RTS)