Mahirap ipagtanggol na nagbibiro lang si Duterte hinggil sa pagpatay sa mga senador. Sa ilalim niya, marami ang naulila dahil sa malawakang pagpaslang.

Hindi ko akalaing isusulat ko uli ang cliché na oxymoron na itong ilang beses ko nang isinulat at sinabi: seryosong usapin ang biro. Kailangang seryosohin ang usapin ng biruan — o ang inaakalang biro — dahil hindi lamang ito salita, lalo kung ang katumbas ng biro ay buhay, kabuhayan, at pagkatao.

May konteksto ang biro, may kasangkot na nagbibitaw at tagatanggap ng mensahe, may platform kung saan dumaloy ang mensahe, may okasyon kung kailan binitawan ang salita, may panahon kung kailan sinabi, at kung kailan muling nabasa o narinig ang itinuturing na biro. Maraming kasangkot na psychological, cultural, at sociolinguistic nuances ang biro na maaaring maging dahilan kung epektibo ba ito o hindi, o kung pagbabatayan ang sinabi ng dating pangulo hinggil sa posibilidad ng pagpatay sa mga senador para makapuwesto ang kaniyang mga kandidato, nakakagalit imbes na nakakatuwa.

May konteksto ang biro. Hindi maaaring magtago sa katagang “biro lang” ang sinabi o isinulat kung ito ay banta, o isang insulto na dinamdam ng nakatanggap. O kung nakakatapak na ng karapatan at may nilalabag na batas. Nasa nagpapadala ng biro ang bigat kung minasama ng tumanggap ng mensahe. Ang tumatanggap ng mensahe ang nagbubuo ng kontekstong isang psychological construct, na ayon kay Dan Sperber — sa kaniyang pag-aaral kasama si Deidre Wilson hinggil sa interpretasyon ng utterances sa ilalim ng relevance theory — ay ang pagbubuo ng kahulugan ng tumatanggap ng mensahe batay sa pag-unawa niya sa mundo.

Kaya maaaring ituring na biro ang sinabi ng nagsalita, pero hindi ito magiging biro sa tumatanggap, lalo’t may mabigat siyang pakahulugan sa biro. Kaya may hindi matatawa sa biro, kaya may magagalit sa inaakalang biro. Kaya may hindi makaka-gets ng biro. Kaya may tao na hindi alam na may biro pala sa isang pahayag, lalo’t highly nuanced ang pahayag.

Halimbawa, may mga tao na masayang nakikipagbiruan hinggil sa kani-kanilang ginagawa sa trabaho, pero, depende sa inference ng isang tumatanggap ng mensahe, maaari niyang tingnan bilang hindi biro ang usapin, lalo’t may masama siyang karanasan sa trabaho. O maaaring maisip niya na siya ang sentro ng biruan, batay sa kaniyang dinanas.

Maaaring maging paksa ng biro ang maraming bagay at pangyayari. Sa isang magaling na komedyante o humorist, nagagawa niyang paksa ang pangkaraniwan, depende sa kaniyang tagapakinig at ang okasyon o sitwasyon kung kailan niya ito sinabi. Idagdag pa na may galing din dapat siya sa timing sa pagbibitaw ng biro.

Sa pagbibitaw ng inaakalang biro, lumalabas din ang personal bias ng nagpapahayag. Halimbawa sa pahayag para hiyain o saktan si Akbayan Representative Perci Cendaña, ipinakita lamang ni Senador Bato dela Rosa ang mababang turing niya sa mga may kapansanan — na kaya niyang gawan ng dahas ang isang tao na hindi sang-ayon sa kaniya. Hanggang maramdaman ng mamamayan ang sagwa ng kaniyang asal, saka na lamang siya humingi ng paumanhin. Naisip ko lang na kaya siya humingi ng paumanhin ay dahil kandidato siyang nangangailangan ng boto, dahil kung hindi panahon ng eleksiyon, baka isa lang na naman ito sa kaniyang “imperfect world…shit happens” moments.

Kung may bulgar at hindi makapagpigil gaya nina Dela Rosa at ang amo niyang si dating pangulong Digong Duterte, may mga biruan ding nangyayari sa pamamagitan ng parinig o pahiwatig. May mga hindi masabi nang harapan, kaya idinadaan sa mistulang biro, sa pag-asang makakarating ito sa pinatutungkulan.

Kaya naman mahalaga ang pag-unawa, o pagkilala, sa kung sino ang nagpadala ng mensahe, kung kailan at kung paano ito pinadala. Gaya ng mga teorya at proseso ng pakikipagtalastasan, lagi nang dapat ikonsidera sa biro ang mga elementong nagdaragdag sa pag-unawa natin sa salitang narinig o nabasa.

Wala pa akong nababalitaang universally accepted na biro. Lagi nang may kasangkot na maaaring hindi makuha ang saysay ng biro o kung hindi man ay ma-offend o mapikon sa biro. Kahit ang itinuturing na self-deprecating na biro, ay maaaring magbunsod ng hindi pagkakaunawaan lalo’t ang dahilan ng biro ay ang perceived weakness ng nakararami, tulad ng sa hitsura at social status. O sa lagay ng dating rehimen, mahihina at vulnerable sa karahasang dulot ng tokhang.

Kaya naman, ang hirap ipagtanggol na biro lang ang sinabi ng dating pangulo hinggil sa pagpatay sa mga senador kung alam mong noong panahong sila ang nasa kapangyarihan, noong panahong ang bawat buka ng bunganga niya ay mistulang batas, noong marami ang pinatay, marami ang naulila at patuloy na nangungulila dahil sa malawakang pagpaslang. Alam mong ang mga uri lang ng ayudante niyang si Bato dela Rosa ang magsasabing biro lang ang lahat, at sila ang arbiter kung kailan dapat o hindi dapat seryosohin ang lumalabas sa bunganga ng dating pangulo.

“Ngayon, marami kasi sila, ano dapat ang gawin natin? Di patayin natin ang mga senador ngayon para bakante,” sinabi ng dating pangulo sa isang proclamation rally. Siyempre, maraming tumawa sa inaakala nilang biro, lalo na ang wala sa receiving end ng karahasan ng rehimen.

Malakas naman kasing makaengganyo ng tagapakinig at supporter ang palabiro o inaakalang palabiro. Lalo’t tila malayo sa scripted at diplomatikong paraan ng pagsasalita ng tradisyonal na politikong mahilig sa grand standing. Gusto ng marami sa atin ang nangungusap na politikong kayang magbanta at magbiro. Nalilibang ang iba sa atin habang mistulang ipinararamdam na sagot lagi ang karahasan at pagpatay sa mga suliranin ng bansa.

Gusto natin ang palagiang pagtawa para makatakas sa kasawiang dinaranas natin. Nadadaan ang karamihan sa atin sa entertainment at biruan. Walang masama rito. Maraming mahuhusay na komedyante sa ating bansa na dapat tangkilikin. Tangkilikin, ha? Hindi nangangahulugang iboto sa eleksiyon ang pagtangkilik na ito.

Masyado nang maraming payaso sa gobyerno para magdagdag pa tayo ng maraming ang tanging kakayahan ay pagtawanan ang sarili habang nagsusuklay ng bigote o nagbubudots habang nilulustay ang ating buwis.

Lagi nang idinadaan tayo sa biro ng ibang nasa kapangyarihan. Magtatago sa katagang “biro lang” kung sakaling magre-react tayo sa kanilang sinasabi. At gaya ng sa sitwasyon ng dating pangulong Duterte, kailangan pa ng ayudante para mag-interpret kung biro o totoo ang namumutawi sa bunganga ng kaniyang amo. – rappler.com

Associate professor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya ang chairperson ng UST Department of Creative Writing. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.

Share.
Exit mobile version