Wala na si Papa Francisco. At sa napakaraming komentaryo at radikal na mga pagbabagong yumanig sa loob at labas ng Simbahang Katolika sa ilalim ng kanyang pamumuno, naroon siya ngayon at nahihimlay sa isang sulok sa Santa Maria Maggiore, sa ilalim ng isang puting lapida kung saan nakaukit lamang ang kanyang pangalan: “FRANCISCVS.” Wala nang iba.

Nang mahalal bilang Papa, ipinaliwanag ni Jorge Mario Bergoglio kung bakit sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Simbahan ay pinili niya ang pangalang ito na hinango kay San Francisco ng Assisi. Si San Francisco, ika niya, ay nabuhay sa pakikinig: sa kalikasan, sa mga iniiwan, sa mga mahihirap. At ito umano ang pangarap ng Santo Papa: ang sumilang ang mga Francisco sa puso ng bawat tao, dahil hindi natatakot dumaing at makinig.

Hindi ako pinalad na makadaupang-palad ang Santo Papa. Pero katulad ng mayorya ng mga ordinaryong manggagawa ng Simbahan, makailang beses kong nabanaagan ang puso at diwa ni Papa Francisco sa mga pintuang binuksan niya sa sa loob ng labindalawang taon. Isa na rito ay ang Synod sa synodality. Sinimulan noong 2021, tatlong taon na binuno ng Simbahang Katolika ang tinaguriang kulminasyon ng pontipikado ni Papa Fracisco na naglalayong isakatuparan ang kanyang mga pangarap para sa buong Simbahan: isang bayan na sama-samang naglalakbay, nakikinig at naglilingkod. Kung noon, binubuo lang ang sinodo ng lahat ng mga obispo sa buong mundo, sa sinodong ito, kasama na maging ang mga nasa pinakalaylayan ng lipunan. Ang kadalasa’y mga walang pangalan, ngayo’y nakilala, nakapagsalita at napakinggan.

Isa ako sa mga napiling kabataan na magsilbing facilitator ng isang Konsultasyon ng Synodal na ginanap sa aming bikaryato sa Cavite. Inimbitahan ang iba’t ibang kinatawan ng mga sektor na bumubuo sa Simbahan upang magbahagi ng kani-kanilang mga kuwento: mga manggagawa, mangingisda, propesyonal, maralita, negosyante, at marami pang iba.

Naatasan akong sumama sa grupo ng mga manggagawang migrante at mga lider-layko sa mga barangay. Bente-uno anyos pa lang ako noon, at sariwang-sariwa pa sa akin ang kabang naramdaman ko noong Sabado ng umagang iyon sa paligid ng mga nakatatandang hindi hamak na mas marami na ang karanasan kaysa akin. Paano ipoproseso ng isang binata ang mabibigat at komplikadong mga karanasan ng mga matatanda? Magtitiwala ba silang magbukas ng loob sa akin? Napakarami kong alalahanin. Pero tumugon ako sa pundamental na paanyaya ng sinodo: ang makinig.

Inanyayahan ko silang maging malayang magkuwento, makaramdam, matuwa o umiyak kahit man lang sa loob ng isang oras. At pinahintulutan nila ako. Narinig ko ang pagdaing ng mga lider-layko ng Simbahan sa mga sitio at barrio sa panahon ng pandemiya: buong-pagsisikap na umaabot at umaalalay sa mga kapitbahay at kanayon nang walang bayad at kapalit, kahit may sariling pamilyang itinataguyod, masiguro lamang na buhay pa ang pananampalataya at pag-asa ng kapwa. Narinig ko ang pagdaing ng mga Katolikong migranteng nakipagsapalaran sa ibang bansa na nakasaksi ng iba’t ibang hamon sa pananampalataya roon, ang kanilang pagsisikap na manatiling matatag kahit pa ang pananampalataya na lamang ang tanging kinakapitan sa malayong lupain sa gitna ng pag-iisa.

Hindi biro ang kanilang pagdaing. Sabi ko nga, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, marahil hindi opsyon para sa kanila ang dumaing, dahil kinakailangan nilang maging matatag para sa kani-kanilang mga mahal sa buhay at komunidad.

Pero hindi lang dahil doon. Kadalasan, aminin man natin o hindi, alerdyi tayo sa daíng, sa personal o komunal mang konteksto. Sa isang institusyon katulad ng Simbahan, madalas na pinatatahimik ang mga dumaraíng. Ayaw kasi nating nabubulabog ang kaayusan ng samahan kapag may nagpapahayag ng ganito. Tila nalalantad at nadudutdot ang mga sugat na pinagsisikapan nating ikubli. Madalas kasi, ang pakiwari natin sa pagdaíng ay walang iba kun’di pagrereklamo lamang.

Subalit binago ni Papa Francisco, sa pamamagitan ng sinodo, ang ganitong pananaw. Ika niya, ang mga sugat natin ang tagpuan ng awa ng Diyos at ng tao. Sa pagpapasinaya niya sa sinodo, ipinaalala niya na nagsasalita si Kristo sa bawat tao, lalo sa mga sugatan, at kinakailangan ng Simbahan na makinig.

Kung kaya, sa loob ng halos isang oras noong araw na iyon, ang pakiramdam ko ay nagpasiya rin ang Simbahan na maging mahina, maging bulnerable, kasama ng kanyang mga tupa. Naramdaman kong hindi lang ako ang pinahintulutan ng mga nanay at tatay na kasama ko na makapasok sa kanilang mga kuwento, saluhin ang masasakit nilang mga karanasan, at literal na pagmasdan ang pagtulo ng kanilang mga luhang halos araw-araw nilang pinipigil.

(Pagninilay) Pope Francis: Pagbabalik sa tradisyon ni Jesucristo

Sa puntong iyon sa isang banda, pinatuloy nila, bagama’t hindi nila namamalayan, ang buong bayan ng Diyos. Kasama nilang naglakad pabalik sa kanilang mga karanasan at patungo sa pinapangarap nilang hinaharap ang unibersal na Simbahan. Sa kabilang banda, hindi lang nakikinig ang Santa Iglesya. Nagsasalita rin ito sa mga oras na iyon, dahil sila mismo ang Simbahan. Ang kanilang mga daíng ay siyang daíng ng buong katawan ni Kristo. Sa bawat pagpatak ng luha, ang Espiritu ang nagsasalita.

Sa loob ng humigit kumulang isang oras, tahimik ang Inang Simbahan na nakikinig sa daíng ng iba’t ibang bahagi ng Kanyang katawan: isang banal, malalim, at mapagdamay na katahimikan.

Sa totoo lang, bilang mag-aaral, nasanay akong makinig upang pagkatapos ay mayroon akong maisagot o magawa. Nakikinig sa Lecture para may maisulat sa kuwaderno. Nakikinig sa mga impormasyo’t datos para makabuo ng isang mahusay na papel.

Pero sa gawain ng sinodo, lalo kong natutunan na hindi mo kinakailangang mag-isip ng tugon, aksyon, o solusyon sa lahat ng iyong napakinggan. Ang pakikinig, kung ginagawa nang may malalim na kamalayan at karunungan lalo sa diwa ng pagdamay, ay may bisa sa ganang sarili nito. May dahilan siguro kung bakit hindi hinulma sa istilong tila Mga workshop ang Konsultasyon ng Parish para sa sinodo. At ito marahil ay para turuan tayo na kilanlin ang isang mas malalim na paanyaya: ang magparaya sa Espiritu Santo at hayaan Siyang dumaíng para sa atin.

Ito ang hiwaga ng sinodo at ng ispirituwalidad ni Papa Fracisco na naiwan sa akin.

Wala na si Papa Francisco. Nasa huling yugto na ng proseso ang sinimulan niyang sinodo kung saan unti-unti nang ipatutupad sa susunod na tatlong taon sa mga lokal na parokya at diyosesis ang mga pagbabagong ibinunga ng ilang libong konsultasyon na idinaos kasama ang iba’t ibang mga komunidad at sektor sa buong mundo na diniligan at pinataba ng sama-sama nating mga daíng.

Pero katulad ng isang mapagkumbabang propeta, ipinatanaw lamang sa Santo Papa mula sa malayo ang lupang pangako na nakalaan para sa bayan ng Diyos, at pinagpahinga na siya.

Wala na si Papa Francisco. Pero sa kanyang paglisan, ang iniwan niya ay isang Simbahang natuto ulit makinig at dumaing, at natuto muling umasa: hindi lang sa Santo Papa, sa mga obispo at mga kaparian, kun’di maging sa mga pinaka-ordinaryong mananampalataya sa bawat barrio, bayan, komunidad at lungsod.

Wala na ang Santo Papa. Pero sa bawat pusong nakarinig at nakadama sa kanyang mga aral at halimbawa, paulit-ulit na mabubuhay ang kanyang pangalan.

Patay na ang Santo Papa.

Pero umaasa ako: buhay pa si Francisco. – rappler.com

Si Kenan Gawaran ay isang undergraduate na mag -aaral ng agham pampulitika sa Ateneo de Manila University, at kasalukuyang nagsisilbing pangulo ng Ateneo Student Catholic Action. Ang isang katutubong ng Bacoor, Cavite, ang kanyang mga interes ay kasama ang pag -iisip sa politika at lokal na pamamahala sa pilosopiya, kultura, at kasaysayan ng Pilipinas.

Share.
Exit mobile version