MANILA, Philippines — Nasuspinde ang number coding sa Metro Manila nitong Lunes dahil sa malakas na pag-ulan dala ng Tropical Storm Enteng, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
“Dahil sa masamang panahon na dala ng bagyong Enteng at habagat, ang Unified Vehicular Volume Reduction Program o Number Coding ay sinuspinde ngayong araw, Setyembre 2,” sabi ng MMDA sa advisory nito.
Kinansela rin ang klase sa lahat ng antas sa Metro Manila dahil sa TS Enteng, ani Palasyo.
Nararanasan na ngayon ng Luzon ang epekto ng TS Enteng, na nagdadala ng maulap na kalangitan at malakas na pag-ulan sa lugar, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Noong 3:00 ng umaga, sinabi ng Pagasa na huling namataan si Enteng na gumagalaw sa baybayin ng Vinzons, Camarines Norte sa bilis na 10 kilometro bawat oras (kph) kanluran hilagang-kanluran, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 75 kph at pagbugsong aabot sa 90 kph.