Dahil sa katatapos na halalan sa Estados Unidos, napaisip ako tungkol sa mga concession speech.

Napakaganda ng mga ganitong talumpati. Higit sa pagpapakita ng kababaang-loob (“May nanalo na, at hindi ako iyon”), isa itong pagpupugay sa demokrasya. Ang tapat at malinis na halalan ay higit pa sa suma ng mga indibiduwal na personalidad na tumakbo at nagbaka-sakaling manalo. Mas mataas ang pagkilala na ang desisyon ng nakararami ang siyang namayani.

Sino man ang kanilang napili. Gaano pa man kasablay, sa tingin ng ilan, ang kanilang napili.

Sabi ni Bise Presidente Kamala Harris sa kanyang mga tagasuporta:

“Ang kinalabasan nitong eleksyon ay hindi ang gusto natin, hindi ang ipinaglaban natin, hindi ang ibinoto natin. Ngunit pakinggan mo ako kapag sinabi ko, pakinggan mo ako kapag sinabi ko, ang liwanag ng pangako ng America ay laging mag-aapoy nang maliwanag hangga’t hindi tayo susuko at hangga’t patuloy tayong lumalaban.

“Alam kong ang mga tao ay nararamdaman at nakakaranas ng iba’t ibang mga emosyon ngayon. Naiintindihan ko, ngunit dapat nating tanggapin ang mga resulta ng halalan na ito. Mas maaga ngayon, nakipag-usap ako kay president-elect (Donald) Trump at binati ko siya sa kanyang tagumpay. Sinabi ko rin sa kanya na tutulungan namin siya at ang kanyang koponan sa kanilang paglipat, at makisali kami sa isang mapayapang paglipat ng kapangyarihan.

Noong 2016, ito naman ang sinabi ni dating state secretary Hillary Clinton noong unang manalo si Trump:

“Kagabi ay binati ko si Donald Trump at nag-alok na makipagtulungan sa kanya sa ngalan ng ating bansa. Umaasa ako na siya ay magiging isang matagumpay na pangulo para sa lahat ng mga Amerikano. Hindi ito ang kinalabasan na gusto natin o pinaghirapan natin, at ikinalulungkot ko na hindi tayo nanalo ngayong halalan para sa mga pagpapahalagang ibinabahagi natin at sa pananaw na pinanghahawakan natin para sa ating bansa.

“Ang aming kampanya ay hindi kailanman tungkol sa isang tao, o kahit isang halalan. Ito ay tungkol sa bansang mahal natin at nagtatayo ng America na may pag-asa, kasama, at may malaking puso. Nakita natin na ang ating bansa ay mas malalim na nahahati kaysa sa ating inaakala. Ngunit naniniwala pa rin ako sa Amerika, at lagi kong gagawin. At kung gagawin mo, dapat nating tanggapin ang resultang ito at pagkatapos ay tumingin sa hinaharap. Si Donald Trump ang magiging presidente natin. Utang namin sa kanya ang isang bukas na isip at ang pagkakataon na mamuno. Ang ating konstitusyonal na demokrasya ay nagtataglay ng mapayapang paglipat ng kapangyarihan.”


Samantala, dito sa atin, ito ang mga salita ni dating bise presidente Leni Robredo noong 2022 nang hindi siya nanalo laban sa kasalukuyang pangulo:

“Ginawa ko ang lahat ng makakaya. Nilampasan ninyo ito nang mas higit pa. Walang dadaig sa kapayapaang dala ng katotohanang ito. Maging panatag sa inyong ambag. May nasimulan tayong hindi kailanman nasaksihan sa buong kasaysayan ng bansa. Isang kampanyang pinamunuan ng taongbayan. Isang kilusang nabuo hindi lang para baklasin ang luma at bulok na sistema. Kundi para magpanday ng totoo at positibong pagbabago. Isinariwa ninyo ang demokrasya hindi lang sa pagboto, kundi sa pagmamahal sa kapwa Pilipino. Napakalaking tagumpay nito at maituturing lang na bigo ang kampanya natin kung hahayaan nating malusaw ang nabuo nating samahan.

“Kaya sinasabi ko sa inyo, walang nasayang. Hindi tayo nabigo. Pinakamahalaga, hindi pa tayo tapos. Nagsisimula pa lang tayo. May landas na nagbukas at hindi ito nagsasara kasabay ng mga presinto. May kilusang isinilang at hindi ito papanaw sa pagpagtatapos ng bilangan. Ang namulat, hindi na muli mapipikit. Hindi natin kailanman hahayaang makatulog muli ang pag-asang magising.”

Noong 2016, sinabi ng presidential candidate na si Mar Roxas, nang matalo siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte:

“Ayon sa unofficial count ng COMELEC, malinaw na si Mayor Rodrigo Duterte ang magiging susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas…..Digong, I wish you success. Ang iyong tagumpay ay tagumpay ng ating sambayanan at ng ating bansa.”

Samantala, sinabi ni Senadora Grace Poe na tumakbo rin bilang pangulo noong 2016:

“Naisip ko kayo, mahal kong mga tagasuporta. Nagpapasalamat ako sa lahat ng pagsusumikap, walang tulog na gabi, emosyonal na pamumuhunan at madamdaming suporta na ibinigay mo sa akin at sa aming kampanya. Ako ay tunay na naniniwala sa aking puso na ang uri ng pagbabago na iniaalok natin sa ating mga tao ay kung ano ang kailangan, kung ano ang ipinanawagan, at kung ano ang nararapat sa ating mga kababayan. Ngunit marahil ay hindi pa dumarating ang oras ng ating plataporma. Ngunit gagawin ito.

Malinaw ang pagpapasalamat nitong mga kandidato sa kanilang mga tagasuporta. Kinikilala nila ang hirap ng mga ito at ang kanilang parehong hangarin. May pagsang-ayon sa resulta ng halalan. May pagkilala sa pagkatalo — pagpahayag pa nga ng lungkot — pero may mensahe rin na mas mahaba pa ang laban at magpapatuloy silang lumaban, hindi sa isang partikular na katunggali, sa halip ay sa mga isyu na kinakaharap ng bayan.

“Kahirapan ang tunay na kalaban. This belief is what brought us together, and is what will serve as our continuing bond,” sabi ni Poe.

Hangarin naman ni Clinton ang pagsulong sa pagkakaroon ng unang babaeng pangulo sa Amerika. “Now, I know we have still not shattered that highest and hardest glass ceiling, but someday someone will — and hopefully sooner than we might think right now.”

Para kay Robredo, pagkakawatak-watak ang kailangang ayusin. “Alam kong mahal natin ang bansa. Pero hindi ito puwedeng maging ugat pa ng pagkakawatak-watak ng pagmamahal na ito. Bagaman may hindi pa nabibilang, bagaman may mga tanong pa sa eleksiyon na ito na kailangang matuldukan, palinaw na nang palinaw ang tinig ng taongbayan. Sa ngalan ng Pilipinas na alam kong mahal na mahal ninyo, kailangan nating pakinggan ang tinig na ito dahil, sa huli, iisa lang ang bayang pinagsasaluhan natin.


Kapansin-pansin na hindi nagbigay ng concession speech si Trump noong 2020 matapos siyang matalo kay dating bise presidente Joseph Biden. Sa umpisa pa lang kasi, kinokondisyon na niya ang mga Amerikano na dadayain ang halalan ng 2020. At hindi nga ba nanguna si Trump sa paninira sa integridad ng halalan, at humimok pa sa mga tagasuporta niyang sugurin ang gusali ng Kongreso? Ang insidenteng ito ay nakilala bilang January 6 insurrection; sa katunayan, may kasong hinaharap pa si Trump kaugnay sa papel niya sa nangyaring karahasan.

Pinakamalapit na nga raw sa concession na nagawa ni Trump ay ang pag-aming maghahanda sila para sa transition sa isang bagong administrasyon. Pero kulang ito sa mga elemento ng concession: sinabi niya ito noong Enero 7, 2021, dalawang buwan na matapos ang halalan, at matapos na ang kaguluhan sa Washington DC. Walang pagkilala na lehitimo ang eleksiyon, walang pagbati sa nanalo, at walang pangakong tutulong para sa ikauunlad ng bayan. Labas sa ilong, sabi nga natin sa ating wika.

Siyempre, ngayong nanalo siya, walang reklamo.

Pamilyar tayo sa ganitong galawan, sa mga nagsasabing matatalo lang sila kung sila ay dadayain. Pero anong halimbawa ba ang nais ibigay ng mga ganitong uri ng kandidatong wala naman palang kompiyansa sa sistemang nilahukan nila? Delusyunal ba sila o sadyang bilib lang sa sarilingh makinarya?

“Ang isang pangunahing prinsipyo ng demokrasya ng Amerika ay kapag natalo tayo sa isang halalan, tinatanggap natin ang mga resulta. Ang prinsipyong iyon, gaya ng iba, ay nagpapakilala sa demokrasya sa monarkiya o paniniil. At dapat igalang ito ng sinumang naghahanap ng tiwala ng publiko. Kasabay nito, sa ating bansa, tayo ay may utang na katapatan hindi sa isang pangulo o isang partido, ngunit sa Konstitusyon ng Estados Unidos, at katapatan sa ating budhi at sa ating Diyos,” sabi ni Harris noong isang linggo.

Isalin lang sa Filipino, at palitan lang ang bansang tinutukoy, akma na rin ito sa Pilipinas.

Ang dapat bantayan, kung ganoon, ay ang kalinisan ng halalan nang sa gayon ay katanggap-tanggap sa lahat ang resulta. Dapat tutukang matulungan ang mamayang gumawa ng mas mahuhusay na pasya sa balota, bumoto nang ayon sa konsyensiya at ayon sa track record ng kandidato, sa halip na bulag na pag-idolo, o takot, o utang na loob, o kasikatan ng apelyido. Hindi rin sana kasinungalingan ang basehan ng ating pasya.

Sa huli, ang pangalan at mukha ng mga nananalo ay mag-iiba-iba. Pero demokrasya sana ang mamayani sa bawat pagkakataon. – Rappler.com

Si Adelle Chua ay assistant professor of journalism sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ay editor ng opinyon at kolumnista para sa Pamantayan ng Maynila sa loob ng 15 taon bago sumali sa akademya. Email: adellechua@gmail.com.

Share.
Exit mobile version