
MANILA, Philippines — Inanunsyo nitong Lunes ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paparating na paglulunsad ng Philippine satellite na gagamitin para sa disaster resilience, environmental conservation at national security.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos pangunahan ang 8th Philippine Space Council (PSC) meeting kung saan binigyan siya ng briefing tungkol sa development at utilization ng space science and technology sa bansa sa pagdiriwang ng Philippine Space Week.
Sinabi ni Marcos na ang Multispectral Unit for Land Assessment (MULA) Satellite ay binuo ng 16 Filipino engineers na ipinakalat ng Philippine Space Agency (PhilSA) sa UK.
“Ang MULA ay magbibigay sa bansa ng mahahalagang data para sa disaster resilience, environmental conservation at national security,” sabi ni Marcos sa isang Facebook post.
BASAHIN: PhilSA, Perigee tinalakay ang paglulunsad ng mga small space launch vehicles
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO) sa isang pahayag, ang satellite ay inaasahang ilulunsad sa US sa loob ng Oktubre ng 2025 hanggang Marso 2026 gamit ang SpaceX Transporter-16.
Ang PhilSA, sa bahagi nito, ay inihayag din ang paglulunsad ng Space Data Dashboard, na isang sistema ng geospatial data at impormasyong naa-access ng publiko.