Gagamit at gagamit ng internet ang kabataan, pero magulang ang first line of defense
Dito sa Pilipinas, nakatutok tayo sa walang ‘sing nakakaaliw na drama ng mag-amang Duterte laban sa Marcos family. There is talk of chopping off a head, assassination, and substance abuse. Riveting di ba? Pero si Presidente Ferdinand Marcos Jr na ang nagsabi: “storm in a teacup” daw ito.
Pero doon sa Australia, may makabuluhang debateng nagaganap. Magiging test case ang Australia sa isang landmark na batas — at ito ang social experiment na magtuturo sa buong mundo kung gaano kaepektibo ang government regulation bilang guardrail laban sa evils ng social media.
Pinupuwersa ng batas ang tech giants na pigilan ang pagla-login ng minors sa kanilang mga plataporma — kundi, umaatikabong fine ang haharapin nila: A$49.5 milyon o $32 milyon. May trial period ng enforcement methods simula Enero 2025 at ang ban ay magiging epektibo isang taon makalipas.
Sabi ni Australian Prime Minister Anthony Albanese, nasa mga platform na ang social responsibility. Tinukoy din niya ang masamang epekto sa mental health ng kabataan ng labis na social media use — “harmful depictions of body image for girls” at “misogynist content aimed at boys.”
At aprub ang mayorya ng Australians — ayon sa polls, 77% ng populasyon ang sumasang-ayon.
Isa sa pinakamasidhing suporter ng ban ay ang mga magulang ng mga biktima ng bullying at self-harm dahil sa social media.
Isa diyan si Wayne Holdsworth. Nagpakamatay ang menor de edad niyang anak na biktima ng sextortion scam. Sabi niya, “Anyone that says this is not a good idea has not lived through my life.”
Ang pinakamalaking tanong sa batas, paano mae-enforce ang ban?
Pinag-uusapan na ang methods kung paano malaman ang edad ng isang user tulad ng facial scans — ang problema, may dala itong sariling suliranin din tulad ng privacy concerns, dahil kailangang i-track ng platforms ang mga user gamit ang AI. E di ba nga, may history ang platforms na ginagamit ang user data sa masamang paraan?
Talaga namang hindi magiging win-win ang isang ban, tulad din ng ibang teknolohiya. May drawbacks, tulad ng pagputol ng access ng kabataan sa makatutulong o mahalagang impormasyon. Nama-magnify ‘yan sa kaso ng kabataang LGBTQ+ na naghahanap ng kabaro at kapanalig.
Pero talaga bang negatibo ito? Baka naman ito ang magtulak sa isang bata na tumakbo sa magulang o teacher para idulog ang isang problema, kaysa sa internet humanap ng kausap at solusyon.
Meron namang nagsasabi na bakit ban ang solusyon, hindi ba dapat pag-ibayuhin ng platforms tulad ng TikTok, Facebook, Instagram, at X ang pagmo-moderate?
News for you na still barking up the wrong tree: hindi po umuubra ang moderation. Sabi nga ni Roger McNamee dahil daw sa “scale, latency, and intent,” hindi magtatagumpay ang moderation. (BASAHIN: Social Media Platforms Claim Moderation Will Reduce Harassment, Disinformation and Conspiracies. It Won’t)
Sabi naman ni Enie Lam, 16 years old sa NBC News, “Lilikha lang ito ng henerasyon ng mga kabataan na mas marunong sa teknolohiya sa paglampas sa mga pader na ito.”
Naging bata rin tayo: totoo naman ‘yan, maraming maghahanap ng work-around. Pero, limitado pa rin ang access nila, overall.
Sabi nama ng TikTok, matutulak lang daw ang mga bata sa “darker corners of the internet.” Medyo nangga-gaslight nang konti rito ang ByteDance, ang may-ari ng TikTok. Again mayroon talagang mag-e-explore ng dark net, at ngayon pa lang nangyayari na ‘yan.
Pero sabi nga ni Albanese, “Tulad ng pagbabawal ng alak para sa mga wala pang 18 taong gulang ay hindi nangangahulugang ang isang taong wala pang 18 taong gulang ay hindi kailanman magkakaroon ng access, ngunit alam namin na ito ang tamang gawin.”
Sa bandang huli, para sa Rappler, kahanga-hanga na front and center ng diskurso sa Australia ang pagpoprotekta sa kabataan mula sa lason ng social media. Hindi drama ng mga makapangyarihan.
Bottom line, gagamit ang kabataan ng social media whether may ban o wala. Sa bandang huli, ang magulang ang first line of defense, at kailangan silang mag-aral paano pangangalagaan ang anak nila. Pero hindi rin puwedeng tawaran ang kabutihang dulot ng isang ban — at magkakatalo talaga sa implementasyon.
Para sa mga magulang, ilan lang ito sa mga panukala ng isang children’s safety organization:
- Magpatupad ng screen time limits
- Magkaroon ng access sa passwords ng gadgets ng anak upang makapag-monitor ng usage
- Magkaroon ng household screens “curfew”
- Mag-tukoy ng “screen zones” upang visible ang content na kinokonsumo ng mga bagets at hindi sa privacy ng mga kuwarto nila
Sabi rin ng mga eksperto, maghintay hanggang nasa 8th grade ang bata bago bigyan ng communication device, at 16 years old bago bigyan ng access sa social media.
May isang bagay na tiyak na babaguhin ng batas sa Australia — magsisimulang maging mas aware ang mga bata at magulang sa harms ng social media. At sa culture change pa lang, baka sulit na ang birth pains ng regulation. – Rappler.com