Mahalagang tanungin ng Crame kung may bribery at corruption bang nagaganap sa likod ng kabiguang mahuli si Quiboloy

Mabigat ang puwet ng Philippine National Police pagdating sa puganteng doomsday preacher na si Apollo Quiboloy.

Kinailangan pa silang kalabitin ni Senadora Risa Hontiveros tungkol sa revocation ng 19 firearms na ang tagal bago nila inaksyunan. Ang ilan sa firearms, kabibigay lang ng lisensiya nitong Abril 2023.

At magtatataka pa ba tayo kung inaabot ng siyam-siyam ang pag-aresto kay Quiboloy na ayon sa intel ng Justice Department ay nasa bansa pa raw?

Noong isang araw lang, nag-post ang isang miyembro ng KOJC ng video ni Quiboloy (which was public as of this writing) na kaharap ang birthday cake at kinakantahan ng happy birthday. Suspetsa ng mga source ng Rappler, ang video ay kuha lang kamakailan.

Bakit? Una, small-time ang piging na ito kung ikukumpara sa mga dating selebrasyon ng kanyang birthday na may floats, perya, parada, at napakaraming panauhing big-time. Noong isang taon lang, panauhing pandangal ang bilyonaryong si Manny Villar, ang mga senador na sina Robin Padilla, Bato dela Rosa, Francis Tolentino, Bong Revilla, Bong Go, at Mark Villar.

Pangalawa, iba ang damit at suot niya sa video na ito kumpara sa mga nakalipas na taon.

Pangatlo, pawang inner circle lang niya ang nasa piging kumpara sa normal niyang birthday na puro VIP.

Kung totoong recent lang ang video, kitang-kita ang kabuktutan, hindi lang kainutilan, ng pulisya na supposedly ay naghahanap sa kanya. Hindi ba simple lang na i-surveillance ang mga nasa inner circle ni Quiboloy upang matunton siya?

Sabi ni Antonio Montalvan II sa kanyang column na The Slingshot, dapat paretiro na raw nitong Abril 25, 2024 si Police General Alden Delvo, ang police director ng Region 11 na inatasang arestuhin si Quiboloy.

On the record si Delvo na inaaming umaattend siya ng kaarawan ni Quiboloy dahil magka-birthday sila. At nang hinalungkat ni Montalvan ang record ni Delvo, dati itong hepe sa San Pedro Police Station, Davao City.

Nang hinalungkat naman ng Rappler ang record ni Delvo, isa pala siya sa dawit sa Davao Death Squad. (BASAHIN: Now retired, top cop Alden Delvo leaves Davao Death Squad allegations unanswered)

Ayon sa pulisya, dalawang beses nilang sinuyod ang Tamayong Prayer Mountain. Meron pa nga raw silang tracker teams na nakabantay sa signal ng telepono ng pugante, pero negatibo daw. Eh bakit mo naman ia-anunsiyo ‘yun sa madla, kundi mo gustong maalerto rin si Quiboloy, hindi ba?

Enter former president Rodrigo Duterte, na harapang sinabihan ang kumpare na “Huwag mo naman akong damayin dito.” Iminarites ni Digong na kausap lang niya si Quiboloy sa telepono at nasa Tamayong lang daw ang Pastor. Anong nangyari sa tracker teams?

Ang papalit ba kay Delvo, na may conflict of interest, ang siya ring i-a-assign na hulihin si Quiboloy? Kasing kupad din ba niya?

Mahalaga ring tanungin ng Crame kung may bribery at corruption bang nagaganap sa likod ng kabiguang mahuli si Quiboloy.

Maliban sa mga warrants of arrest na inisyu ng mga korte ng Davao City at Pasig City, andiyan din ang arrest order bunga ng contempt order ng Senado na lantarang binastos ni Quiboloy.

Alam naman natin na minsa’y umuusbong ang mga contempt order ng Senado mula sa mga bruised ego ng mga senador. Pero hindi ito totoo sa kaso ng komite ni Senadora Risa Hontiveros.

Lehitimo at makatuwiran ang pakay ng komite na nais busisiin:

  • Ano ang kahinaan ng ating mga batas laban sa rape lalo na kapag nangyayari ang pang-aabuso sa konteksto ng dominasyon at coercion ng isa umanong “son of god” tulad ni Quiboloy?
  • Ano ang kahinaan ng labor laws patungkol sa mga church volunteers? Halimbawa, sinasabi ng mga dating kasapi ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na sila’y pinagpapalimos at ginagamit sa mga scam.
  • Ano ang kahinaan ng anti-trafficking laws kapag ibinangga sa “religious freedom’?

Bansa tayong tumitingala at sumasamba sa religious leaders – at marami sa kanila ay ginamit ang pagmamahal ng mga tagasuporta upang yumaman, sumikat, at maging tuntungan para sa higit pang pulitikal na kapangyarihan. Sumasagi sa isip si Ruben Ecleo Jr. ng Dinagat, pati na rin si Señor Aguila ng tinaguriang kulto sa Socorro, Surigao del Norte.

Kung titingnan natin ang big picture, case study si Quiboloy ng abuse of religious power at ang galamay ng mga tulad niya na nakakokontrol ng pulisya, burukrasya, at pulitika.

Case study rin ito ng kainutilan ng pulisya na maging puwersa ng rule of law sa harap ng kuwarta at kapangyarihan.

Argumento rin ito laban sa baluktot na lohika ni Senador Robin Padilla na encroachment daw ito ng freedom of religion, at paglabag sa separation of church and state.

Ayon kay Rappler Managing Editor na si Miriam Grace Go, “bulag lamang” ang hindi makakakita ng “exploitation of the devotion of his followers” at ng influence-peddling.

Bulag lamang o nagbubulag-bulagan ang hindi makaaaninag na ginagawa niyang katawa-tawa ang batas. Sabi ni Joseph Nathan Cruz, dapat gamitin ng estado ang “full might of its police apparatus” at intelligence funds para mahuli ang pugante, na malamang ay pahila-hilata lang sa Davao at nag-e-enjoy sa marangyang buhay sa piling ng isa nitong inner circle o kumpare.

PNP, patunayan ninyong hindi na kayo alipores ng mga diyos sa Davao. Patunayan ‘nyo na lingkod bayan kayo at propesyonal. Arestuhin ‘nyo na si Quiboloy. Stop the impunity. – Rappler.com

Share.
Exit mobile version