Ito ay nabuo ng AI na nagbubuod, na maaaring magkaroon ng mga pagkakamali. Para sa konteksto, palaging sumangguni sa buong artikulo.

Umaalingasaw ang kampanya ng ilan — pero mayroon din namang matino. Hanapin ang kandidatong magtatrabaho para sa ‘yo

Bakit tila may lisensiya ang mga kupal at bastos na maghayag ng kanilang bulok at baluktot na pananaw ngayong eleksiyon?

Ngayong nakalipas na weekend, umugong ang kontrobersiya tungkol kay Misamis Oriental Governor Peter Unabia. Ayon kay Gob, “magagandang babae” lang ang dapat qualified sa nursing scholarships. Lalo lang daw lalala ang pasyenteng lalaki na aalagaan ng pangit na nars.

Pero itong si Unabia, hindi lang sexist, anti-Muslim din. Sabi rin niya sa speech, kapag nanalo ang mga kandidatong may koneksiyon sa Bangsamoro, baka magdala raw ito ng gulo sa Misamis Oriental.

Nitong nakaraang linggo lang sumabog ang internet dahil sa kuda ng kandidato sa Pasig sa pagka-kongresista na si Ian Sia. Puwede raw sumiping sa kanya, minsan isang taon, ang nalulungkot na solo parent na babae. Pinagdiinan pa niya na dapat daw, “Nay, dapat nireregla pa.”

Sabi naman ng kandidato sa Batangas sa pagka-gubernador na si Jay Ilagan: “Kung ang aking kalaban…ay isang Vilma Santos lang na laos na, hindi ako takot. Kung si Kathryn Bernardo at si Andrea Brillantes ay takot ako.”

Sa Bicol, hindi na bago ang “sexually suggestive remarks” mula sa pulitiko ng Camarines Sur na si LRay Villafuerte. (Hindi na namin ikukuwento rito ang kabastusan niya.)

Balikan natin ang tanong — saan nanggagaling ang tapang na maging bastos? Look no further, may isang pulitikong nag-normalize ng kabastusan sa pulitika — ‘yan si dating pangulong Rodrigo Duterte. (BASAHIN: TIMELINE: How Duterte normalized sexism in the Philippine presidency)

Noong April 2016 sa kanyang campaign sortie, sinabi niyang “dapat ang mayor muna ang nauna” sa pag-rape sa isang Australian lay missionary.

Sa isang trip sa New Delhi noong 2018, sinabi ni Duterte sa harap ng mga Indian and Filipino businessmen, “The come-on is that if you die a martyr, you go to heaven with 42 virgins waiting for you… If I could just make it a come-on also for those who’d like to go to my country,” dagdag niya sa gitna ng tawanan, “I’d like to have the virgins here, not in heaven.”

Noong Pebrero 2018, ipinagmalaki niyang inutusan niya ang mga sundalong lumalaban sa mga rebelde na kapag nakatapat ng “Amazona” — ang bansag sa mga babaeng rebelde — “shoot them in the vagina.”

Sinabihan din niya ang isang investigative female journalist na siya ay “every inch a prostitute.”

At lagi niyang hinihiya ang kanyang bise presidente noon na si Leni Robredo, at nagkokomento pa ng “Ma’am Leni wore a skirt shorter than usual.” (PANOORIN. EXPLAINER: Never bastos? Duterte’s top sexist moments)

Noong Enero 2021, sinabi rin niya na “ang pagka-presidente ay hindi trabaho para sa babae.”

Sabi ng political science professor ng University of the Philippines na si Jean Franco, “No president has belittled women in the way that Duterte has done in the last six years.” Wala raw katumbas na presidente si Duterte sa pagyurak sa pagkatao ng mga babae.

Para sa youth leaders sa Cebu na nakausap ng Rappler, ni-reinforce ni Duterte ang misogyny sa Philippine online space.

Ayon kay Maui Cruz, isang student councilor sa University of San Carlos sa Cebu na nag-rally laban sa pagpapabaya sa sektor ng edukasyon, naging target siya ng Duterte supporters. “A majority of the comments were telling me that I should pray that I don’t get raped.” Dapat daw ay magdasal siya na hindi siya ma-rape.

Pero, we shouldn’t be taking this sitting down. At huwag nating asahang mauuna ang mga institusyong tulad ng Comelec sa pagsita sa mga pasaway at misogynist na kandidato.

Bilang botante, may kapangyarihan tayong sumingil sa bad behavior ng mga kandidato. Puwede tayong mag-file ng kaso, pero sa minimum — huwag tawanan ang sick jokes ng mga pulitiko.

Huwag asahang media lang ang magtatanong at maniningil; gawing accountable ang mga kandidato sa pamamagitan ng pagtatanong.

Tuwina, napapabuntong-hininga ang ilan nating mga kababayan at napabubulalas sa tindi ng frustration: “Siguro we’re getting the leaders we deserve.”

Sabi ni University of the Philippines School of Economics associate professor Cielo Magno, dapat ang pagboto, parang pagha-hire ng trabahador o empleyado — isang social contract. Dapat baguhin daw natin ang ating mindset na ang pulitiko ay idolo — at sa halip, isiping ang pulitiko ay empleyado. Lilinaw daw ang criteria sa pagboto: Ano ang magagawa mo para sa ‘kin? Ano ang serbisyong ipapangako mo sa ‘kin?

Umaalingasaw ang kampanya ng ilan — pero mayroon din namang matino. Ang papel natin ay maging discerning o mapanuri at hanapin ang kandidatong magtatrabaho para sa atin. #AmbagNatin #PHVote – rappler.com

Share.
Exit mobile version