Bakit maraming Dutertefied?
Baka hindi ninyo napansin sa dami ng nangyari: may dalawang foreigner — white men na nakasuot ng mamahaling Barong Tagalog — ang humarap sa Kamara de Representante at nag-testify.
Ilang sandali rin kaming nagpokus sa kabalintunaan ng visuals ng dalawang Caucasian na naka-barong, na tila nagpapahiwatig ng paggalang sa tradisyong Pilipino.
Pero mabilis na nabasag ang imahe ng magalang na dayuhan: sila’y taga-Meta, ang parent company ng Facebook. Sana’y nag-amerikana na lang sila dahil ‘yun ang pinakabagay na attire para sa mga businessmen — lalo na sa mga cutthroat businessmen.
Sa bandang huli, nakumpleto lang ng barong ang lumilitaw na impresiyon sa hearing: ang ipokrito ninyo, ang fake ‘nyo. Pa-barong-barong pa kayo.
Nang tanungin ng isang kongresista kung nakikita ba nito ang sarili na “liable” sa content na nakapost sa kanilang platform, eto ang sagot ni Rafael Frankel, director for public policy of Meta Platforms: “The user bears the responsibility for what they post on their platform. We have a set of community standards we do our best to uphold.”
Para silang si Pontio Pilato na naghuhugas-kamay bago patayin ang katotohanan.
Lantarang nagsisinungaling ang Meta nang sabihin nitong pawang user lang ang may responsibilidad sa pagkalat ng hate at disinformation. Nagsisinungaling din ang Meta nang palabasin nitong meron itong epektibong content moderation (at tandaan, bumabaklas na rin ito sa fact checkers.)
Ito siguro ang sagot sa tanong ni Rappler head of Regions Herbie Gomez sa column niyang Pastilan: “Nabigo ba ang system sa mga bata, o kusang sumuko sila? Nabigo ba tayong magturo sa kanila ng katapangan, o ipinagpalit nila ito para sa ginhawa?Dala
Lumitaw kasi sa isang poll na overwhelmingly iboboto ng student body ang Duterte dynasty. (BASAHIN: (Pastilan) When Atenistas get Dutertefied)
Sinabi ni Gomez, “Ano sa mundo ang itinuturo sa ating mga mag -aaral?” It’s a crucial question para sa ating educators — lalo na sa isang siyudad na may kasaysayan hindi lamang ng pagtutol, kundi pati ng rebelyon.
May kasaysayan din ng mahabang pamumuno ang mga Duterte sa Davao — halos sintanda rin ng rebolusyong hindi rebolusyon na EDSA: 37 years.
Walang duda na malaki ang role ng edukasyon sa ganitong zeitgeist — pero nakagigimbal ito sa isang Jesuit university, tulad nga ng ipinunto ng Pastilan. Pero may isang bagay na mas may impluwensiya kaysa sa mga teachers at libro, at ‘yan ang social media.
Siguro ang tanong dapat ay: “Ano sa mundo ang ating mga mag -aaral na itinuro sa social media? “
Siniyasat ng The Nerve, ang sister company ng Rappler na nagsasagawa ng independiyenteng research, ang mga diskurso tungkol sa dating presidente Rodrigo Duterte matapos ang kanyang whirlwind arrest at pagkakakulong sa The Hague. Lumilitaw na inexploit o sinamantala ng mga network ng supporter ni Duterte ang plataporma ng Facebook, gamit ang paid ads at coordinated behavior, para “imanipula ang diskurso online.” (BASAHIN (DECODED) How online supporters made a victim of Duterte after ICC arrest)
Sabi pa ng The Nerve, “sophisticated” ang troll accounts at mahirap ma-distinguish na hindi totoong tao.
Sa pagsusuri naman ng researchers na nakausap ng Reuters, nasa 1/3 ng accounts na tumalakay sa Duterte arrest sa platform na X at pumuri sa dating pangulo, at umatake sa International Criminal Court ay peke.
Sa katunayan, kinuyog ng Instagram accounts na pawang nagsasagawa ng coordinated, inauthentic behavior ang Rappler posts tungkol sa pag-aresto kay Duterte, gamit ang isang keyword: DuterteEJK.
Napag-alaman din ng Nerve na ang supporter networks na ito ay nag-o-operate din sa 2025 midterm elections.
Halimbawa niyan ay ang Pasig, kung saan may coordinated, inauthentic support sa Facebook para sa businesswoman na kandidatong pagka-mayor na si Sarah Discaya, habang may isang kahina-hinalang page na nagne-negative campaigning naman laban kay Mayor Vico Sotto.
Kaya’t balikan natin ang tanong na kung bakit maraming “Dutertefied”?
Dapat gawing accountable ang platforms, kahit todo-tanggi sila sa responsibilidad na ‘yan. May precedent na sa European Union na pinapanagot ang mga tech giant dahil sa harmful content.
Sana huwag matapos sa pa-hearing-hearing lang at magkaroon ng konkretong hakbang ang Kongreso. Dahil hindi lang ang katotohanan ang nakataya.
Natatandaan ‘nyo ba ang Pied Piper na sinundan ng kabataan ng Hamlin patungo sa ilog at kanilang pagkalunod? ‘Yan ang metaphor para sa Meta, X, at YouTube na ngayo’y may kapangyarihang kumontrol sa isip ng kabataan.
Hawakan ang linya ng Laban SA Insidious Manipulation Online.
Para sa Kaming Sirang Plaka: Nang walang mga katotohanan, hindi ka maaaring magkaroon ng katotohanan. Kung walang katotohanan, hindi ka maaaring magkaroon ng tiwala. Kung walang tiwala, wala kaming ibinahaging katotohanan, walang demokrasya, at imposible na harapin ang mga umiiral na problema sa mundo. – rappler.com