
MANILA, Philippines — Inaasahan ang pagdami ng trapiko sa ilang kalsada sa Metro Manila ngayong weekend (Marso 15 hanggang 17, 2024) dahil sa pagdadala ng tunnel boring machine para sa pagtatayo ng Metro Manila Subway Project (MMSP).
Sa isang post sa social media, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na idadala ang mga makina sa Camp Aguinaldo Station sa Quezon City.
Ayon sa DOTr, ang mga sumusunod na kalsada ay makakaranas ng pagbagal sa Marso 15, 9 ng gabi hanggang Marso 16 sa alas-4 ng umaga at Marso 16 ng alas-9 ng gabi hanggang Marso 17 ng alas-4 ng umaga:
- Port/ R-10 (sa pagitan ng 9 PM hanggang 9:30 PM)
- C3 Road (sa pagitan ng 9:30 PM hanggang 10:30 PM)
- 5th Avenue (sa pagitan ng 10:30 PM hanggang 12:00 AM)
- G. Araneta Avenue (sa pagitan ng 12:00 AM hanggang 1:30 AM)
- E. Rodriguez Sr. Avenue (sa pagitan ng 1:30 AM hanggang 2:00 AM)
- Gilmore Avenue (sa pagitan ng 2:00 AM hanggang 3:00 AM)
- Col. Bonny Serrano Avenue (sa pagitan ng 3:00 AM hanggang 4:00 AM)
Dagdag pa ng DOTr, gagamitin ang tunnel boring machine sa paggawa ng mga tunnel na magdurugtong sa Camp Aguinaldo Station ng MMSP at Ortigas Station.
“Ang mga motorista ay pinapayuhan na dumaan sa mga alternatibong ruta,” dagdag nito.
Nauna nang sinabi ng DOTr na 11 percent na ang kumpleto ng big-ticket subway project ng gobyerno at nilayon nilang gawing operational ang 33-kilometer rail line sa 2029.
