(Paghahabilin, Baccalaureate 2024, “Sinaglaya: Kabataan, Magsilbing Tanglaw, Tinig, at Lakas ng Bayan,” UP Integrated School, UPIS Gymnasium, 03 Hulyo 2024).

LUNGSOD NG QUEZON (MindaNews / 08 Hulyo) — Bismi l-llaahi r-rahmaani r-rahiim (Sa ngalan ng ALLAH ang Pinakamaawain at Pinakamaawain).

Wala akong prepared na homily o sermon. Sapat na at wala na tayong maidadagdag pa sa mga magagandang mensahe nina Brother Edwil, Pastor Pao and Fr. CJ.

Ako’y magkukwento na lamang.

Ito yung pangatlong pasok ko sa gym ng UP Integrated School. I feel nostalgic upon entering kasi dati itong dormitory kung saan dito ako tumira noong ako’y estudyante pa. Narra Dorm ang tawag namin noon.

Marami akong karanasan dito — may maganda at meron din na hindi gaano kagandahan. Pero, may isang kwento tumatak sa akin at hindi ko malimutan.

Isang araw nakaupo ako banda dyan mga ilang hakbang mula sa aking kinatatayuan ngayon. Ako ay nagmumuni-muni sa tapat nitong malaking greenfield.

May isang ibon na sa tantsya ko ay isang parrot pero maliit ito; yun yata ang tinatawag nating kulasisi. Berde ang kulay niya at pula ang kanyang tuka.

Mabilis ang lipad niya papunta sa akin. Napatindig ako at gusto ko itong hulihin. Pero, sa bilis niya pakiramdam ko masasaktan ito pag tumama sa kamay ko. Umilag na lang ako at tumuloy ito sa kanyang paglipad papuntang UP Oval hanggang siya’y nawala na lang sa mga sanga ng mga naglalakihang puno.

Tandang-tanda ko ang moment na yun. Hindi ko alam kung yun ay isang omen. Kasi di kalauna’y nagkaroon ng malaking earthquake. Kung matatandaan pa ng mga ilang titser ninyo, noong 1990 maraming mga building bumagsak lalo na sa Baguio.

Habang lumilindol nakita ko naglabasan ang napakaraming insekto, mga tutubi nagliliparan, mga tipaklong nagluluksuhan, at mga paru-paro at mga ibon lipad doon, lipad dito.

Dumilim ang paligid nitong greenfield.  Nagmistulang alon sa karagatan ang lupa sa harap ko. Ganun pala ang lupa pag may lindol. Nag-uumbok-umbok ito at gumagalaw na parang “wave” at tila may gumugulong sa ilalim at umaalon ang sa ibabaw mula sa kabila ng Narra Dorm hanggang doon sa dulo.

Napatakbo ako sa loob ng room ko at nagbihis. Napaisip ako kung ano ang mangyayari sa greenfield kung mabibiyak ba ito o ano — gayong parang dinaanan ito ng mga alon sa dagat.

Di ko makalimutan itong greenfield dahil sa espasyong ito ng Unibersidad ko nagsimula ang aking matured na pagmumuni-muni tungkol sa buhay, tungkol sa realidad, tungkol sa espirituwalidad.

Ang pangalawang punta ko rito ay gawa na itong gym. Sinamahan namin ng aking maybahay ang anak namin si Zaeda na kasama ninyo ngayon bilang UPIS Batch 2024. Inter-section tournament niyo noon ng basketball sa inyong PE Class. Grade 6 kayo noon.

Nasaan na si Zaeda? Gusto ko siyang i-shout out. Siya’y isang hijabi — ang nag-iisang nakahijab sa Batch niyo at sa buong UPIS.

Kaninang umaga tinanong ko siya: “kailan ka ba nag decide na gusto mo nang maghijab o magsuot ng veil?” “Mga bandang 2022,” ika niya.

Noong panahon na yun we were, in fact, restraining her. Kako lifetime commitment yan. Concern kami na baka spur-of-the-moment decision lang niya at baka mabully siya gayong lumalakas ang Islamophobia ngayon.

Pagkaraan ng ilang buwan, tinanong ko si Zaeda: “May nambubully ba sa iyo simula noong maghijab ka?” “Wala naman,” ang sagot niya. Tinanong ko rin: “May nagtanong ba sayo mga kaklase mo bakit ka naghijab?” Ang sagot niya: “Oo, yung close friend ko. Gusto nga rin niya magtry.”

Expected ko na rin yung positibong sagot ni Zaeda. Kumbinsido naman ako na mataas ang cultural pluralism index dito sa UPIS at buong UP Diliman.

Hindi ininda ni Zaeda ang mga isyu katulad ng Islamophobia o ang posibilidad na may mambully sa kanya.

Sa tingin ko marami na siyang nabasang materyal tungkol sa Islam o kababaihan sa Islam; pagkatapos, napagtanto niya na kailangan niyang panindigan ang kanyang sarili at ipakita ang kanyang sarili bilang isang batang Muslim na hijabi.

Humanga ako kay Zaeda dahil hindi siya nagpaantig sa kung tawagin natin na conformism or what is popular. She stood her ground confidently. At ano ba naman ang gusto mong maging modelo si Mama Mary with her veil and her simplicity.

By the way, nagpaalam ako kay Zaeda kanina. Sabi ko isa-shout kita mamaya sa Baccalaureate paghahabilin.

Ngayong araw, ito yung pangatlo kong punta dito sa UPIS Gym — araw pa naman ng inyong Baccalaureate. As I step on this ground, nostalgia hits me again.

That time, wala akong inkling na magiging UPIS ang Narra Dorm. Ni hindi ko akalain na makakabuo ako ng pamilya na may apat na anak na babae — lahat sila ay dito mag-aaral sa UPIS.

(Ang MindaViews ay isang seksyon ng opinyon ng MindaNews. Unang bahagi ng Baccalaureate speech para sa UPIS Batch 2024. Si Julkipli Wadi ay Propesor ng Islamic Studies sa Unibersidad ng Pilipinas).

Share.
Exit mobile version