Inaresto ng mga awtoridad ang 23 katao na umano’y sangkot sa ilegal na pagmimina sa Bunawan, Agusan del Sur, ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Sa isang Facebook post, sinabi ng PNP-CIDG na ang 23 indibidwal ay naaresto noong Biyernes sa Barangay San Andres.

Isa sa mga naaresto ay isang menor de edad, na itinurn-over sa Municipal Social Welfare and Development Office.

Samantala, nakakulong na sa Bunawan Municipal Police Station ang 22 pang suspek.

Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Philippine Mining Act.

Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang 35 sako ng gold-bearing rock materials, percussion hammer, electric drill, drilling rod, cellophane wrappers na naglalaman ng ammonium nitrate fuel oil, improvised explosives, improvised electric detonator, blasting caps, at martilyo.

Magsasagawa pa ng karagdagang imbestigasyon para matukoy at makasuhan ang mga financier at operators sa likod ng illegal mining activities sa lugar.—Mariel Celine Serquiña/RF, GMA Integrated News

Share.
Exit mobile version